Job 7:8-19 Ang Biblia (TLAB)

8. Ang matang tumingin sa akin ay hindi na ako mamamasdan: ang iyong mga mata ay sasa akin, nguni't wala na ako.

9. Kung paanong ang ulap ay napapawi at nawawala, gayon siyang bumababa sa Sheol ay hindi na aahon pa.

10. Siya'y hindi na babalik pa sa kaniyang bahay, ni malalaman pa man niya ang kaniyang dako.

11. Kaya't hindi ko pipigilin ang aking bibig; ako'y magsasalita sa kadalamhatian ng aking diwa; ako'y dadaing sa kahirapan ng aking kaluluwa.

12. Ako ba'y isang dagat, o isang malaking hayop dagat, na pinababantayan mo ako sa isang bantay?

13. Pag aking sinasabi, Aaliwin ako ng aking higaan, papayapain ng aking unan ang aking karamdaman;

14. Kung magkagayo'y pinupukaw mo ako ng mga panaginip, at pinangingilabot mo ako sa mga pangitain:

15. Na anopa't pinipili ng aking kaluluwa ang pagkainis, at ang kamatayan kay sa aking mga butong ito.

16. Aking kinayayamutan ang aking buhay; di ko na ibig mabuhay magpakailan man: bayaan akong magisa; sapagka't ang aking mga kaarawan ay walang kabuluhan.

17. Ano ang tao, na iyong palalakhin siya, at iyong ilalagak ang iyong puso sa kaniya,

18. At iyong dadalawin siya tuwing umaga, at susubukin siya sa tuwi-tuwina?

19. Hanggang kailan di mo ako iiwan, ni babayaan man hanggang sa aking lunukin ang aking laway?

Job 7