Job 5:3-15 Ang Biblia (TLAB)

3. Aking nakita ang hangal na umuunlad: nguni't agad kong sinumpa ang kaniyang tahanan.

4. Ang kaniyang mga anak ay malayo sa katiwasayan, at sila'y mangapipisa sa pintuang-bayan, na wala mang magligtas sa kanila.

5. Na ang kaniyang ani ay kinakain ng gutom, at kinukuha na mula sa mga tinik, at ang silo ay nakabuka sa kanilang pag-aari.

6. Sapagka't ang kadalamhatian ay hindi lumalabas sa alabok, ni bumubukal man sa lupa ang kabagabagan;

7. Kundi ang tao ay ipinanganak sa kabagabagan. Gaya ng alipato na umiilanglang sa itaas.

8. Nguni't sa ganang akin, ay hahanapin ko ang Dios, at sa Dios ay aking ihahabilin ang aking usap:

9. Na siyang gumagawa ng mga dakilang bagay at ng mga hindi magunita; ng mga kamanghamanghang bagay na walang bilang:

10. Na siyang nagbibigay ng ulan sa lupa, at nagpapahatid ng tubig sa mga bukid;

11. Na anopa't kaniyang iniuupo sa mataas yaong nangasa mababa; at yaong nagsisitangis ay itinataas sa katiwasayan.

12. Kaniyang sinasayang ang mga katha-katha ng mapagkatha, na anopa't hindi maisagawa ng kanilang mga kamay ang kanilang panukala.

13. Kaniyang hinuhuli ang pantas sa kanilang sariling katha: at ang payo ng suwail ay napapariwara.

14. Kanilang nasasalunuan ang kadiliman sa araw, at nagsisikapa sa katanghaliang tapat na gaya sa gabi.

15. Nguni't kaniyang inililigtas sa tabak ng kanilang bibig, sa makatuwid baga'y ang maralita sa kamay ng malakas.

Job 5