8. Ang libot ng mga bundok ay kaniyang pastulan, at kaniyang sinasaliksik ang bawa't sariwang bagay.
9. Matutuwa ba ang bakang gubat na maglingkod sa iyo? O matitira ba sa siping ng iyong pasabsaban?
10. Matatalian mo ba ang bakang gubat ng iyong panali sa pangbukid? O magbubusagsag ba ng mga libis sa likuran mo?
11. Aasa ka ba sa kaniya, dahil sa siya'y totoong malakas? O iiwan mo ba ang iyong gawain sa kaniya?
12. Ipagkakatiwala mo ba sa kaniya na iuuwi sa bahay ang iyong binhi, at pipisanin ang mga butil sa iyong giikan?
13. Ang pakpak ng avestruz ay nagagalak; nguni't may kagandahang loob ba ang kanilang mga pakpak at mga balahibo?
14. Sapagka't nagiiwan ng kaniyang mga itlog sa lupa, at pinaiinit ang mga yaon sa alabok,
15. At kinalilimutang mangapipisa ng paa, o mangayuyurakan ng mabangis na hayop.
16. Siya'y nagmamatigas laban sa kaniyang mga sisiw na tila hindi kaniya: bagaman ang kaniyang gawa ay mawalang kabuluhan, hindi niya ikinatatakot;
17. Sapagka't binawian siya ng Dios ng karunungan, ni hindi siya binahaginan ng unawa.
18. Anomang panahon na siya'y napaiitaas, hinahamak niya ang kabayo at ang sakay nito.
19. Nagbigay ka ba sa kabayo ng kalakasan? Binihisan mo ba ang kaniyang leeg ng buhok na gumagalaw?
20. Pinalulukso mo ba siya na parang balang? Ang kaluwalhatian ng kaniyang bahin ay kakilakilabot.
21. Siya'y kumukutkot sa libis, at nagagalak sa kaniyang kalakasan, siya'y sumasagupa sa mga taong may sandata.