Job 38:24-41 Ang Biblia (TLAB)

24. Sa aling daan naghiwalay ang liwanag, o sa hanging silanganan na lumalaganap sa ibabaw ng lupa?

25. Sinong humukay ng bangbang sa mga bugso ng tubig, o ng daanan ng kidlat ng kulog;

26. Upang magpaulan sa lupa, na hindi tinatahanan ng tao, sa ilang na doon ay walang tao.

27. Upang busugin ang giba at sirang lupa; at upang pasibulin ang sariwang damo?

28. May ama ba ang ulan? O sinong nanganak sa mga patak ng hamog?

29. Sa kaninong bahay-bata nagmula ang hielo? At ang escarcha sa himpapawid, ay ipinanganak nino?

30. Ang mga tubig ay nakukubling gaya ng bato, at ang ibabaw ng kalaliman ay namumuno.

31. Matatalian mo ba ang pagkakaumpukan ng mga bituin na Pleyade, o makakalagan ang tali ng mga bituin na Orion?

32. Mailalabas mo ba ang mga bituin na mga tanda ng Zodiaco sa kanilang kapanahunan? O mapapatnubayan mo ba ang Oso na kasama ng kaniyang mga anak?

33. Nalalaman mo ba ang mga alituntunin ng langit? Maitatatag mo ba ang kapangyarihan niyaon sa lupa?

34. Mailalakas mo ba ang iyong tinig hanggang sa mga alapaap, upang takpan ka ng saganang tubig?

35. Makapagsusugo ka ba ng mga kidlat, upang magsiyaon, at magsabi sa iyo: Nangarito kami?

36. Sinong naglagay ng karunungan sa mga pinakaloob na bahagi? O sinong nagbigay ng kaalaman sa pagiisip?

37. Sinong makabibilang ng mga alapaap sa pamamagitan ng karunungan? O sinong makatutuyo ng mga botelya ng langit,

38. Pagka ang alabok ay napuputik, at ang mga bugal ay nanganinikit na maigi?

39. Huhuli ka ba ng mahuhuli na ukol sa leong babae? O bubusugin mo baga ang kagutoman ng mga batang leon,

40. Pagka sila'y nagsisihilig sa kanilang mga lungga, at nagsisitahan sa guwang upang bumakay?

41. Sinong naghahanda sa uwak ng pagkain niya, pagka ang kaniyang mga inakay ay nagsisidaing sa Dios, at nagsisigala sa kakulangan ng pagkain.

Job 38