Job 34:22-30 Ang Biblia (TLAB)

22. Walang kadiliman, ni makapal man pangungulimlim, na mapagtataguan ng mga manggagawa ng kasamaan.

23. Sapagka't hindi na niya pakukundanganan ang tao, upang siya'y humarap sa Dios sa kahatulan.

24. Kaniyang niluluray ang mga makapangyarihang tao ng mga paraang di masayod, at naglalagay ng mga iba na kahalili nila.

25. Kaya't siya'y kumukuhang kaalaman sa kanilang mga gawa; at kaniyang binabaligtad sila sa gabi, na anopa't sila'y nangalilipol.

26. Kaniyang hinahampas sila na parang masasamang tao sa hayag na paningin ng mga iba,

27. Sapagka't sila'y nagsilihis ng pagsunod sa kaniya, at hindi binulay ang anoman sa kaniyang mga lakad:

28. Na anopa't kaniyang pinadating ang daing ng dukha sa kaniya, at dininig niya ang daing ng napipighati.

29. Pagka siya'y nagbibigay ng katahimikan, sino ngang makahahatol? At pagka kaniyang ikinukubli ang kaniyang mukha, sinong makakakita sa kaniya? Maging gawin sa isang bansa, o sa isang tao:

30. Upang ang taong di banal ay huwag maghari, upang huwag maging silo sa bayan.

Job 34