14. Sapagka't ang Dios ay minsang nagsasalita, Oo, makalawa, bagaman hindi pinakikinggan ng tao.
15. Sa isang panaginip, sa isang pangitain sa gabi, pagka ang mahimbing na pagkakatulog ay nahuhulog sa mga tao, sa mga pagkakatulog sa higaan;
16. Kung magkagayo'y ibinubukas niya ang mga pakinig ng mga tao, at itinatatak ang kanilang turo,
17. Upang ihiwalay ang tao sa kaniyang panukala, at ikubli ang kapalaluan sa tao;
18. Kaniyang pinipigil ang kaniyang kaluluwa sa pagbulusok sa hukay, at ang kaniyang buhay sa pagkamatay sa pamamagitan ng tabak.
19. Siya nama'y pinarurusahan ng sakit sa kaniyang higaan, at ng palaging antak sa kaniyang mga buto:
20. Na anopa't kinayayamutan ng kaniyang buhay ang tinapay, at ng kaniyang kaluluwa ang pagkaing pinakamasarap,
21. Ang kaniyang laman ay natutunaw, na hindi makita; at ang kaniyang mga buto na hindi nakita ay nangalilitaw.
22. Oo, ang kaniyang kaluluwa ay nalalapit sa hukay, at ang kaniyang buhay sa mga mangwawasak.
23. Kung doroong kasama niya ang isang anghel, isang tagapagpaaninaw, na isa sa gitna ng isang libo, upang ipakilala sa tao kung ano ang matuwid sa kaniya;