Job 29:12-24 Ang Biblia (TLAB)

12. Sapagka't aking iniligtas ang dukha na dumadaing, ang ulila rin naman na walang tumutulong sa kaniya.

13. Ang basbas ng malapit nang mamamatay ay sumaakin: at aking pinaawit sa kagalakan ang puso ng babaing bao.

14. Ako'y nagbibihis ng katuwiran, at sinusuutan niya ako: ang aking kaganapan ay parang isang balabal at isang diadema.

15. Ako'y naging mga mata sa bulag, at naging mga paa ako sa pilay.

16. Ako'y naging ama sa mapagkailangan; at ang usap niyaong hindi ko nakikilala ay aking sinisiyasat.

17. At aking binali ang mga pangil ng liko, at inagaw ko ang huli sa kaniyang mga ngipin.

18. Nang magkagayo'y sinabi ko, mamamatay ako sa aking pugad, at aking pararamihin ang aking mga kaarawan na gaya ng buhangin:

19. Ang aking ugat ay nakalat sa tubig, at ang hamog ay lumalapag buong gabi sa aking sanga:

20. Ang aking kaluwalhatian ay sariwa sa akin, at ang aking busog ay nababago sa aking kamay.

21. Sa akin ay nangakikinig ang mga tao, at nangaghihintay, at nagsisitahimik sa aking payo.

22. Pagkatapos ng aking mga salita ay hindi na sila nagsasalita pa uli; at ang aking pananalita ay tumutulo sa kanila.

23. At kanilang hinihintay ako, na gaya ng paghihintay sa ulan, at kanilang ibinubuka ang kanilang bibig na maluwang na gaya sa huling ulan.

24. Ako'y ngumingiti sa kanila pagka sila'y hindi nanganiniwala: at ang liwanag ng aking mukha ay hindi nila hinahamak.

Job 29