Job 18:1-11 Ang Biblia (TLAB)

1. Nang magkagayo'y sumagot si Bildad na Suhita, at nagsabi,

2. Hanggang kailan manghuhuli kayo ng mga salita? Inyong bulayin, at pagkatapos ay magsasalita kami.

3. Bakit kami nangabibilang na parang mga hayop, at naging marumi sa iyong paningin?

4. Ikaw na nagpapakabagbag sa iyong galit, pababayaan ba ang lupa dahil sa iyo? O babaguhin ba ang bato mula sa kinaroroonan?

5. Oo, ang ilaw ng masama ay papatayin, at ang liyab ng kaniyang apoy ay hindi liliwanag.

6. Ang ilaw ay magdidilim sa kaniyang tolda, at ang kaniyang ilawan sa itaas niya ay papatayin.

7. Ang mga hakbang ng kaniyang kalakasan ay mapipigil, at ang kaniyang sariling payo ang magbabagsak sa kaniya.

8. Sapagka't siya'y inihagis sa lambat ng kaniyang sariling mga paa, at siya'y lumalakad sa mga silo.

9. Isang panghuli ang huhuli sa kaniya sa mga sakong. At isang silo ay huhuli sa kaniya.

10. Ang panali ay nakakubli ukol sa kaniya sa lupa, at isang patibong na ukol sa kaniya ay nasa daan.

11. Mga kakilabutan ay tatakot sa kaniya sa lahat ng dako, at hahabol sa kaniya sa kaniyang mga sakong.

Job 18