Jeremias 9:3-14 Ang Biblia (TLAB)

3. At pinamimilantik nila ang kanilang dila gaya ng kanilang busog, dahil sa kabulaanan; at sila'y nagsisitakas sa lupain, nguni't hindi para sa katotohanan: sapagka't sila'y nagpatuloy mula sa kasamaan hanggang sa kasamaan, at hindi nila ako nakikilala, sabi ng Panginoon.

4. Mangagingat bawa't isa sa inyo sa kaniyang kapuwa, at huwag kayong mangagkatiwala sa kanino mang kapatid; sapagka't bawa't kapatid ay mangaagaw, at bawa't kapuwa ay makikisama sa mapanirang puri.

5. At mangagdaya bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, at hindi mangagsasalita ng katotohanan: kanilang tinuruan ang kanilang dila na magsalita ng kabulaanan; sila'y nangagpakapagod upang gumawa ng kasamaan.

6. Ang iyong tahanan ay nasa gitna ng pangdadaya: dahil sa pangdadaya ay ayaw silang kumilala sa akin, sabi ng Panginoon.

7. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking lilituhin sila, at susubukin sila; sapagka't ano pa ang aking magagawa, dahil sa anak na babae ng aking bayan?

8. Ang kanilang dila ay panang nakamamatay; nagsasalita ng karayaan: nagsasalitang may kapayapaan ng kaniyang bibig sa kaniyang kapuwa, nguni't bumabakay siya ng kaniyang puso sa kaniya.

9. Hindi ko baga dadalawin sila dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon; hindi baga manghihiganti ako sa isang bansa na gaya nito?

10. Sa mga bundok ay maglalakas ako ng pagiyak at pananangis, at sa mga sabsaban sa ilang ay panaghoy, sapagka't nasunog ang mga yaon, na anopa't walang dumaraan; hindi man narinig ng mga tao ang angal ng kawan; ang mga ibon sa himpapawid at gayon din ang mga hayop sa parang ay nagsitakas, ang mga ito'y nagsiyaon.

11. At aking gagawin na mga bundok ang Jerusalem, na tahanang dako ng mga chakal; at aking sisirain ang mga bayan ng Juda, na walang mananahan.

12. Sino ang pantas na makakaunawa nito? at sino siya na pinagsalitaan ng bibig ng Panginoon, upang kaniyang maipahayag? bakit ang lupain ay napupugnaw at nasusunog na parang ilang, na anopa't walang dumaraan?

13. At sinabi ng Panginoon, Sapagka't kanilang pinabayaan ang aking kautusan na aking inilagay sa harap nila, at hindi nagsisunod sa aking tinig, o nilakaran man nila;

14. Kundi sila'y nagsisunod sa pagmamatigas ng kanilang sariling puso, at nagsisunod sa mga Baal, na itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang;

Jeremias 9