15. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking pakakanin sila, ang bayang ito, ng ajenjo, at bibigyan ko sila ng inuming mapait upang inumin.
16. Akin ding pangangalatin sila sa gitna ng mga bansa, na hindi nakilala kahit nila o ng kanilang mga magulang man; at ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa aking malipol sila.
17. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kayo'y mangagdilidili, at magsitawag ng mga tagapanangis na babae, upang sila'y mangakaparito; at inyong ipasundo ang mga bihasang babae, upang sila'y mangakaparito:
18. At mangagmadali sila, at mangaglakas sila ng panangis dahil sa atin, upang ang ating mga mata ay daluyan ng mga luha, at ang ating mga talukapmata ay labasan ng tubig.
19. Sapagka't ang tinig ng panangis ay naririnig mula sa Sion, Ano't tayo'y nasisira! tayo'y lubhang nangalito, sapagka't ating pinabayaan ang lupain, sapagka't kanilang ibinagsak ang ating mga tahanan.
20. Gayon ma'y inyong dinggin ang salita ng Panginoon, Oh ninyong mga babae, at tanggapin ng inyong pakinig ang salita ng kaniyang bibig; at turuan ninyo ang inyong mga anak na babae ng panangis, at turuan ng bawa't isa ang kaniyang kapuwa ng panaghoy.