Jeremias 9:10-17 Ang Biblia (TLAB)

10. Sa mga bundok ay maglalakas ako ng pagiyak at pananangis, at sa mga sabsaban sa ilang ay panaghoy, sapagka't nasunog ang mga yaon, na anopa't walang dumaraan; hindi man narinig ng mga tao ang angal ng kawan; ang mga ibon sa himpapawid at gayon din ang mga hayop sa parang ay nagsitakas, ang mga ito'y nagsiyaon.

11. At aking gagawin na mga bundok ang Jerusalem, na tahanang dako ng mga chakal; at aking sisirain ang mga bayan ng Juda, na walang mananahan.

12. Sino ang pantas na makakaunawa nito? at sino siya na pinagsalitaan ng bibig ng Panginoon, upang kaniyang maipahayag? bakit ang lupain ay napupugnaw at nasusunog na parang ilang, na anopa't walang dumaraan?

13. At sinabi ng Panginoon, Sapagka't kanilang pinabayaan ang aking kautusan na aking inilagay sa harap nila, at hindi nagsisunod sa aking tinig, o nilakaran man nila;

14. Kundi sila'y nagsisunod sa pagmamatigas ng kanilang sariling puso, at nagsisunod sa mga Baal, na itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang;

15. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking pakakanin sila, ang bayang ito, ng ajenjo, at bibigyan ko sila ng inuming mapait upang inumin.

16. Akin ding pangangalatin sila sa gitna ng mga bansa, na hindi nakilala kahit nila o ng kanilang mga magulang man; at ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa aking malipol sila.

17. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kayo'y mangagdilidili, at magsitawag ng mga tagapanangis na babae, upang sila'y mangakaparito; at inyong ipasundo ang mga bihasang babae, upang sila'y mangakaparito:

Jeremias 9