Jeremias 7:19-34 Ang Biblia (TLAB)

19. Kanila baga akong minumungkahi sa galit? sabi ng Panginoon; hindi baga sila namumungkahi sa kanilang sarili sa ikalilito ng kanila ring mukha?

20. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ang aking galit at ang aking kapusukan ay mabubuhos sa dakong ito, sa tao, at sa hayop, at sa mga punong kahoy sa parang, at sa bunga ng lupa: at masusupok, at hindi mapapatay.

21. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Inyong idagdag ang inyong mga handog na susunugin sa inyong mga hain, at magsikain kayo ng laman.

22. Sapagka't hindi ako nagsalita sa inyong mga magulang, o nagutos man sa kanila nang araw na inilabas ko sila sa lupain ng Egipto, tungkol sa mga handog na susunugin, o sa mga hain:

23. Kundi ang bagay na ito ang iniutos ko sa kanila, na aking sinasabi, Inyong dinggin ang aking tinig, at ako'y magiging inyong Dios, at kayo'y magiging aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos ko sa inyo, sa ikabubuti ninyo.

24. Nguni't hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa pagmamatigas ng kanilang masamang puso, at nagsiyaong paurong at hindi pasulong.

25. Mula nang araw na ang inyong mga magulang ay magsilabas sa lupain ng Egipto hanggang sa araw na ito, aking sinugo sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na araw-araw ay bumabangon akong maaga at sinusugo ko sila:

26. Gayon ma'y hindi sila nangakinig sa akin, o nangagkiling man ng kanilang pakinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg: sila'y nagsigawa ng lalong masama kay sa kanilang mga magulang.

27. At iyong sasalitain ang lahat na salitang ito sa kanila; nguni't hindi sila mangakikinig sa iyo: iyo namang tatawagin sila; nguni't hindi sila magsisisagot sa iyo.

28. At iyong sasabihin sa kanila, Ito ang bansang hindi nakinig sa tinig ng Panginoon nilang Dios, o tumanggap man ng aral: katotohanan ay nawala, at nahiwalay sa kanilang bibig.

29. Iyong gupitin ang iyong buhok, Oh Jerusalem, at ihagis mo, at maglakas ka ng panaghoy sa mga luwal na kaitaasan; sapagka't itinakuwil ng Panginoon at nilimot ang lahat ng kaniyang poot.

30. Sapagka't nagsigawa ang mga anak ni Juda ng masama sa aking paningin, sabi ng Panginoon: kanilang inilagay ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang lapastanganin.

31. At kanilang itinayo ang mga mataas na dako ng Topheth, na nasa libis ng anak ni Hinnom, upang sunugin ang kanilang mga anak na lalake at babae sa apoy; na hindi ko iniuutos, o pumasok man sa aking pagiisip.

32. Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na siya tatawaging Topheth, o ang libis ng anak ni Hinnom man, kundi Ang libis ng Patayan: sapagka't sila'y mangaglilibing sa Topheth, hanggang sa mawalan ng dakong mapaglilibingan.

33. At ang mga bangkay ng bayang ito ay magiging pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa; at walang bubugaw sa mga yaon.

34. Kung magkagayo'y aking ipatitigil sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, ang tinig ng kalayawan at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalake at ang tinig ng kasintahang babae: sapagka't ang lupain ay masisira.

Jeremias 7