Jeremias 7:1-14 Ang Biblia (TLAB)

1. Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon na nagsasabi,

2. Ikaw ay tumayo sa pintuang-daan ng bahay ng Panginoon, at itanyag mo roon ang salitang ito, at iyong sabihin, Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong lahat na nasa Juda, na nagsisipasok sa mga pintuang-daang ito upang magsisamba sa Panginoon.

3. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Inyong pabutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at akin kayong patatahanin sa dakong ito.

4. Huwag kayong magsitiwala sa mga kabulaanang salita, na nangagsasabi, Ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ay ang mga ito.

5. Sapagka't kung inyong lubos na pabubutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa; kung kayo'y lubos na magsisigawa ng kahatulan sa isang tao at sa kaniyang kapuwa.

6. Kung hindi ninyo pipighatiin ang makikipamayan, ang ulila, at ang babaing bao, at hindi kayo magbububo ng walang salang dugo sa dakong ito, o susunod man sa ibang mga dios sa inyong sariling kapahamakan.

7. Ay patatahanin ko nga kayo sa dakong ito, sa lupain na ibinigay ko sa inyong mga magulang mula ng una hanggang sa walang hanggan.

8. Narito, kayo'y nagsisitiwala sa mga kabulaanang salita, na hindi mapapakinabangan.

9. Kayo baga'y mangagnanakaw, magsisipatay, at mangangalunya at magsisisumpa ng kabulaanan, at mangagsusunog ng kamangyan kay Baal, at magsisisunod sa ibang mga dios na hindi ninyo nakikilala.

10. At magsisiparito at magsisitayo sa harap ko sa bahay na ito, na tinatawag sa aking pangalan, na mangagsasabi, Kami ay laya; upang inyong gawin ang lahat na kasuklamsuklam na ito?

11. Ang bahay bagang ito na tinawag sa aking pangalan, naging yungib ng mga tulisan sa harap ng inyong mga mata? Narito, ako, ako nga ang nakakita, sabi ng Panginoon.

12. Nguni't magsiparoon kayo ngayon sa aking dako na nasa Silo, na siyang aking pinagpatahanan ng aking pangalan nang una, at inyong tingnan kung ano ang aking ginawa dahil sa kasamaan ng aking bayang Israel.

13. At ngayon, sapagka't inyong ginawa ang lahat ng gawang ito, sabi ng Panginoon, at nagsalita ako sa inyo, na ako'y bumabangong maaga at nagsasalita, nguni't hindi ninyo dininig: at aking tinawag kayo, nguni't hindi kayo sumagot:

14. Kaya't gagawin ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, na inyong tinitiwalaan, at sa dakong ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, ang gaya ng aking ginawa sa Silo.

Jeremias 7