Jeremias 52:22-34 Ang Biblia (TLAB)

22. At isang kapitel na tanso ay nasa ibabaw niyaon; at ang taas ng isang kapitel ay limang siko, na yaring nilambat at may mga granada sa kapitel sa palibot, taganas na tanso: at ang ikalawang haligi naman ay mayroong gaya ng mga ito, at mga granada.

23. At mayroong siyam na pu't anim na granada sa mga tagiliran; lahat na granada ay isang daan na yaring nilambat sa palibot.

24. At kinuha ng kapitan ng bantay si Seraias na pangulong saserdote, at si Sophonias na ikalawang saserdote, at ang tatlong tagatanod-pinto:

25. At sa bayan ay kinuha niya ang isang oficial na inilagay niya sa mga lalaking mangdidigma; at pitong lalake sa kanila na nangakakita ng mukha ng hari, na nasumpungan sa bayan; at ang kalihim ng kapitan ng hukbo, na pumipisan ng bayan ng lupain, at anim na pung katao sa bayan ng lupain, na nangasumpungan sa gitna ng bayan.

26. At dinala sila ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay, at dinala sila sa hari sa Babilonia sa Ribla.

27. At sinaktan sila ng hari sa Babilonia, at ipinapatay sila sa Ribla, sa lupain ng Hamath. Gayon nadalang bihag ang Juda, mula sa kaniyang lupain.

28. Ito ang bayan na dinalang bihag ni Nabucodonosor nang ikapitong taon, tatlong libo at dalawang pu't tatlong Judio:

29. Nang ikalabingwalong taon ni Nabucodonosor ay nagdala siya ng bihag na mula sa Jerusalem na walong daan at tatlong pu't dalawang tao:

30. Nang ikadalawang pu't tatlong taon ni Nabucodonosor ay nagdala ng bihag sa mga Judio si Nabuzaradan na kapitan ng bantay na pitong daan at apat na pu't limang tao: lahat na tao ay apat na libo at anim na raan.

31. At nangyari, nang ikatatlong pu't pitong taon ng pagkabihag kay Joacim na hari sa Juda, nang ikalabing dalawang buwan, nang ikadalawang pu't limang araw ng buwan, na si Evil-merodach na hari sa Babilonia, nang unang taon ng kaniyang paghahari, nagtaas ng ulo ni Joacim na hari sa Juda, at inilabas niya siya sa bilangguan;

32. At siya'y nagsalitang may kagandahang-loob sa kaniya, at inilagay ang kaniyang luklukan na lalong mataas kay sa luklukan ng mga hari na kasama niya sa Babilonia.

33. At kaniyang binago ang kaniyang mga damit na pagkabihag. At si Joacim ay laging kumain ng tinapay sa harap niya sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.

34. At tungkol sa kaloob sa kaniya, may palaging kaloob na ibinibigay sa kaniya ang hari sa Babilonia, bawa't araw isang bahagi ng pagkain hanggang sa kaarawan ng kaniyang kamatayan, lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.

Jeremias 52