Jeremias 51:35-50 Ang Biblia (TLAB)

35. Ang karahasang ginawa sa akin at sa aking laman ay mahulog nawa sa Babilonia, sasabihin ng taga Sion; at, Ang dugo ko ay mahulog nawa sa mga nananahan sa Caldea, sasabihin ng Jerusalem.

36. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ipakikipaglaban ang iyong usap, at igaganti kita; at aking tutuyuin ang kaniyang dagat, at gagawin ko siyang bukal na tuyo.

37. At ang Babilonia ay magiging mga bunton, tahanang dako sa mga chakal, katigilan, at kasutsutan, na mawawalan ng mananahan.

38. Sila'y magsisiangal na magkakasama na parang mga batang leon; sila'y magsisiangal na parang mga anak ng leon.

39. Pagka sila'y nag-init, aking gagawin ang kanilang kapistahan, at akin silang lalanguhin, upang sila'y mangagalak, at patutulugin ng walang hanggang pagtulog, at huwag mangagising, sabi ng Panginoon.

40. Aking ibababa sila na parang mga kordero sa patayan, mga lalaking tupa na kasama ng mga kambing na lalake.

41. Ano't nasakop ang Sesach! at ang kapurihan ng buong lupa ay nagitla! ano't ang Babilonia ay naging kagibaan sa gitna ng mga bansa!

42. Ang dagat ay umapaw sa Babilonia; siya'y natakpan ng karamihan ng mga alon niyaon.

43. Ang kaniyang mga bayan ay nasira, tuyong lupain at ilang, lupain na walang taong tumatahan, o dinaraanan man ng sinomang anak ng tao.

44. At ako'y maglalapat ng kahatulan kay Bel sa Babilonia, at aking ilalabas sa kaniyang bibig ang kaniyang nasakmal; at ang mga bansa ay hindi na bubugsong magkakasama pa sa kaniya: oo, ang kuta ng Babilonia ay mababagsak.

45. Bayan ko, magsilabas kayo sa kaniya, at lumigtas bawa't isa sa mabangis na galit ng Panginoon.

46. At huwag manganglupaypay ang inyong puso, o mangatakot man kayo sa balita na maririnig sa lupain; sapagka't ang balita ay darating na isang taon, at pagkatapos niyaon ay darating sa ibang taon ang isang balita, at ang pangdadahas sa lupain, pinuno laban sa pinuno.

47. Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, na ako'y maglalapat ng kahatulan sa mga larawang inanyuan sa Babilonia; at ang kaniyang buong lupain ay mapapahiya; at ang lahat ng mapapatay sa kaniya ay mangabubulagta sa gitna niya.

48. Kung magkagayo'y ang langit at ang lupa, at lahat na nandoon, magsisiawit dahil sa Babilonia sa kagalakan; sapagka't ang mga manglilipol ay darating sa kaniya mula sa hilagaan, sabi ng Panginoon.

49. Kung paanong ibinuwal ng Babilonia ang namatay sa Israel, gayon mabubuwal sa Babilonia ang namatay sa buong lupain.

50. Kayong nangakatanan sa tabak, magsiyaon kayo, huwag kayong magsitigil; inyong alalahanin ang Panginoon sa malayo, at pasukin ang inyong pagiisip ng Jerusalem.

Jeremias 51