Jeremias 51:29-45 Ang Biblia (TLAB)

29. At ang lupain ay manginginig at nasa paghihirap; sapagka't ang mga pasiya ng Panginoon laban sa Babilonia ay nananayo, upang sirain ang lupain ng Babilonia, na nawalan ng mananahan.

30. Ang mga makapangyarihan ng Babilonia ay nagsisiurong sa pakikipaglaban, sila'y nanatili sa kanilang mga katibayan; ang kanilang kapangyarihan ay nanglulupaypay; sila'y naging parang mga babae: ang kaniyang mga tahanang dako ay sinilaban; ang kaniyang mga halang ay nabali.

31. Ang isang utusan ay tatakbo upang sumalubong sa iba, at isang sugo upang sumalubong sa iba, upang ibalita sa hari sa Babilonia, na ang kaniyang bayan ay nasakop sa lahat ng sulok:

32. At ang mga tawiran ay nangasapol, at ang mga tambo ay nangasunog ng apoy, at ang mga lalaking mangdidigma ay nangatakot.

33. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Ang anak na babae ng Babilonia ay parang giikan ng panahong yaon ng niyayapakan; sangdali na lamang, at ang panahon ng pagaani ay darating sa kaniya.

34. Nilamon ako ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, kaniyang pinisa ako, kaniyang ginawa akong sisidlan na walang laman, ako'y sinakmal niyang parang buwaya, kaniyang binusog ang kaniyang tiyan ng aking mga masarap na pagkain; kaniyang itinakuwil ako.

35. Ang karahasang ginawa sa akin at sa aking laman ay mahulog nawa sa Babilonia, sasabihin ng taga Sion; at, Ang dugo ko ay mahulog nawa sa mga nananahan sa Caldea, sasabihin ng Jerusalem.

36. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ipakikipaglaban ang iyong usap, at igaganti kita; at aking tutuyuin ang kaniyang dagat, at gagawin ko siyang bukal na tuyo.

37. At ang Babilonia ay magiging mga bunton, tahanang dako sa mga chakal, katigilan, at kasutsutan, na mawawalan ng mananahan.

38. Sila'y magsisiangal na magkakasama na parang mga batang leon; sila'y magsisiangal na parang mga anak ng leon.

39. Pagka sila'y nag-init, aking gagawin ang kanilang kapistahan, at akin silang lalanguhin, upang sila'y mangagalak, at patutulugin ng walang hanggang pagtulog, at huwag mangagising, sabi ng Panginoon.

40. Aking ibababa sila na parang mga kordero sa patayan, mga lalaking tupa na kasama ng mga kambing na lalake.

41. Ano't nasakop ang Sesach! at ang kapurihan ng buong lupa ay nagitla! ano't ang Babilonia ay naging kagibaan sa gitna ng mga bansa!

42. Ang dagat ay umapaw sa Babilonia; siya'y natakpan ng karamihan ng mga alon niyaon.

43. Ang kaniyang mga bayan ay nasira, tuyong lupain at ilang, lupain na walang taong tumatahan, o dinaraanan man ng sinomang anak ng tao.

44. At ako'y maglalapat ng kahatulan kay Bel sa Babilonia, at aking ilalabas sa kaniyang bibig ang kaniyang nasakmal; at ang mga bansa ay hindi na bubugsong magkakasama pa sa kaniya: oo, ang kuta ng Babilonia ay mababagsak.

45. Bayan ko, magsilabas kayo sa kaniya, at lumigtas bawa't isa sa mabangis na galit ng Panginoon.

Jeremias 51