Jeremias 51:1-18 Ang Biblia (TLAB)

1. Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magbabangon laban sa Babilonia, at laban sa nagsisitahan sa Lebcamai, ng manggigibang hangin.

2. At ako'y magsusugo sa Babilonia ng mga taga ibang lupa na papalisin siya; at kanilang wawalaan ang kaniyang lupain: sapagka't sa kaarawan ng kabagabagan ay magiging laban sila sa kaniya sa palibot.

3. Laban sa kaniya na umaakma ay iakma ng mangbubusog ang kaniyang busog, at sa kaniya na nagmamataas sa kaniyang sapyaw: at huwag ninyong patawarin ang kaniyang mga binata; inyong lipuling lubos ang buo niyang hukbo.

4. At sila'y mangabubuwal na patay sa lupain ng mga Caldeo, at napalagpasan sa kaniyang mga lansangan.

5. Sapagka't ang Israel ay hindi pinababayaan, o ang Juda man, ng kaniyang Dios, ng Panginoon ng mga hukbo; bagaman ang kanilang lupain ay puno ng sala laban sa Banal ng Israel.

6. Tumakas ka na mula sa gitna ng Babilonia, at iligtas ng bawa't tao ang kaniyang buhay; huwag kayong mangahiwalay ng dahil sa kaniyang kasamaan: sapagka't panahon ng panghihiganti ng Panginoon; siya'y maglalapat sa kaniya ng kagantihan.

7. Ang Babilonia ay naging gintong tasa sa kamay ng Panginoon, na lumango sa buong lupa: ang mga bansa ay nagsiinom ng kaniyang alak; kaya't ang mga bansa ay nangaulol.

8. Ang Babilonia ay biglang nabuwal at napahamak: inyong tangisan siya, ikuha ninyo ng balsamo ang kaniyang sakit, baka sakaling siya'y mapagaling.

9. Ibig sana nating mapagaling ang Babilonia, nguni't siya'y hindi napagaling: pabayaan siya, at yumaon bawa't isa sa atin sa kanikaniyang sariling lupain; sapagka't ang kaniyang kahatulan ay umaabot hanggang sa langit, at nataas hanggang sa mga alapaap.

10. Inilabas ng Panginoon ang ating katuwiran: magsiparito kayo, at ating ipahayag sa Sion, ang gawa ng Panginoon nating Dios.

11. Inyong patalasin ang mga pana, inyong hawakang mahigpit ang mga kalasag; pinukaw ng Panginoon ang kalooban ng mga hari ng mga Medo; sapagka't ang kaniyang lalang ay laban sa Babilonia, upang sirain: sapagka't siyang panghihiganti ng Panginoon, panghihiganti ng kaniyang templo.

12. Mangagtaas kayo ng watawat laban sa mga kuta ng Babilonia, inyong patibayin ang bantayan, inyong lagyan ng mga bantay, kayo'y mangaghanda ng mga pangbakay: sapagka't ang Panginoon ay nagpanukala at gumawa rin naman ng kaniyang sinalita tungkol sa mga nananahan sa Babilonia.

13. Oh ikaw na tumatahan sa ibabaw ng maraming tubig, sagana sa mga kayamanan, ang iyong wakas ay dumating, ang sukat ng iyong kasakiman.

14. Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa sa pamamagitan ng kaniyang sarili, na sinasabi, Tunay na pupunuin kita ng mga tao, na parang balang; at sila'y mangaglalakas ng hiyaw laban sa iyo.

15. Kaniyang ginawa ang lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, kaniyang itinatag ang sanglibutan sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, at sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman ay iniladlad niya ang langit.

16. Paglalakas niya ng kaniyang tinig, nagkaroon ng kagulo ng tubig sa langit, at kaniyang pinailanglang ang mga singaw mula sa mga wakas ng lupa: kaniyang iginawa ng mga kidlat ang ulan, at inilabas ang hangin mula sa kaniyang mga imbakan.

17. Bawa't tao ay naging tampalasan at walang kaalaman; bawa't panday ginto ay nalagay sa kahihiyan dahil sa kaniyang larawang inanyuan; sapagka't ang kaniyang larawang binubo ay kasinungalingan, at walang hinga sa mga yaon.

18. Ang mga yaon ay walang kabuluhan, isang gawa ng karayaan: sa panahon ng pagdalaw sa mga yaon ay mangalilipol.

Jeremias 51