6. Ang aking bayan ay naging gaya ng nawalang tupa: iniligaw sila ng kanilang mga pastor; sila'y inilihis sa mga bundok; sila'y nagsiparoon sa burol mula sa bundok; kanilang nalimutan ang kanilang pahingahang dako.
7. Sinasakmal sila ng lahat na nangakakasumpong sa kanila; at sinabi ng kanilang mga kaaway, Kami ay walang kasalanan, sapagka't sila'y nangagkasala laban sa Panginoon, na tatahanan ng kahatulan, sa makatuwid baga'y sa Panginoon, na pagasa ng kanilang mga magulang.
8. Magsitakas kayo mula sa gitna ng Babilonia, at kayo'y magsilabas mula sa lupain ng mga Caldeo, at kayo'y maging gaya ng mga kambing na lalake sa harap ng mga kawan.
9. Sapagka't, narito, aking patatayuin at pasasampahin laban sa Babilonia ang isang kapulungan ng mga dakilang bansa na mula sa hilagaang lupain; at sila'y magsisihanay laban sa kaniya; mula diya'y sasakupin siya; ang kanilang mga pana ay magiging gaya sa isang magilas na makapangyarihan; walang babalik na di may kabuluhan.
10. At ang Caldea ay magiging samsam: lahat na nagsisisamsam sa kaniya ay mangabubusog, sabi ng Panginoon.
11. Sapagka't kayo ay masasaya, sapagka't kayo'y nangagagalak, Oh kayong nagsisisamsam ng aking mana, sapagka't kayo'y malilikot na parang babaing guyang baka, na yumayapak ng trigo, at humahalinghing na parang mga malakas na kabayo;
12. Ang inyong ina ay mapapahiyang lubha; siyang nanganak sa inyo ay malilito: narito, siya'y magiging pinakahuli sa mga bansa, isang gubatan, isang tuyong lupain, isang ilang.
13. Dahil sa poot ng Panginoon ay hindi tatahanan, kundi magiging lubos na sira: bawa't magdaan sa Babilonia ay matitigilan, at susutsot dahil sa kaniyang lahat na pagkasalot.
14. Magsihanay kayo laban sa Babilonia sa palibot, kayong lahat na nagsisiakma ng busog; hilagpusan ninyo siya, huwag kayong manganghinayang ng mga pana: sapagka't siya'y nagkasala laban sa Panginoon.
15. Humiyaw ka laban sa kaniya sa palibot: siya'y sumuko sa kaniyang sarili; ang kaniyang mga sanggalangang dako ay nangabuwal, ang kaniyang mga kuta ay nangabagsak: sapagka't siyang kagantihan ng Panginoon: manghiganti kayo sa kaniya; kung ano ang kaniyang ginawa, gawin ninyo sa kaniya.
16. Ihiwalay ninyo ang manghahasik sa Babilonia, at siyang pumipigil ng karit sa panahon ng pagaani: dahil sa takot sa mamimighating tabak ay babalik bawa't isa sa kaniyang bayan, at tatakas bawa't isa sa kaniyang sariling lupain.