Jeremias 50:30-46 Ang Biblia (TLAB)

30. Kaya't mabubuwal ang kaniyang mga binata sa kaniyang mga lansangan, at ang lahat niyang lalaking mangdidigma ay madadala sa katahimikan sa araw na yaon, sabi ng Panginoon.

31. Narito, ako'y laban sa iyo, Oh ikaw na palalo, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo; sapagka't ang iyong kaarawan ay dumating, ang panahon na dadalawin kita.

32. At ang palalo ay matitisod at mabubuwal, at walang magbabangon sa kaniya; at ako'y magpapaningas ng apoy sa kaniyang mga bayan, at pupugnawin niyaon ang lahat na nangasa palibot niya.

33. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang mga anak ni Israel at ang mga anak ni Juda ay napipighating magkasama; at lahat na nagsikuhang bihag sa kanila ay hinahawakang mahigpit sila; ayaw pawalan sila.

34. Ang Manunubos sa kanila ay malakas; ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan: kaniyang ipakikipaglabang maigi ang kanilang usap, upang mabigyan niya ng kapahingahan ang lupa, at bagabagin ang mga nananahan sa Babilonia.

35. Ang tabak ay nasa mga Caldeo, sabi ng Panginoon, at sa mga nananahan sa Babilonia, at sa kaniyang mga prinsipe, at sa kaniyang mga pantas.

36. Ang tabak ay nasa mga hambog, at sila'y mangahahangal, ang tabak ay nasa kaniyang mga makapangyarihan, at sila'y manganglulupaypay.

37. Ang tabak ay nasa kanilang mga kabayo, at sa kanilang mga karo, at sa buong bayang halohalo na nasa gitna niya; at sila'y magiging parang mga babae; isang tabak ay nasa kaniyang mga kayamanan, at mangananakaw;

38. Ang pagkatuyo ay nasa kaniyang tubig, at mangatutuyo; sapagka't lupain ng mga larawang inanyuan, at sila'y mga ulol dahil sa mga diosdiosan.

39. Kaya't ang mga mabangis na hayop sa ilang sangpu ng mga lobo ay magsisitahan doon, at ang avestruz ay tatahan doon: at hindi na matatahanan kailan pa man; ni matatahanan sa sali't saling lahi.

40. Kung paanong sinira ng Dios ang Sodoma at Gomorra at ang mga kalapit bayan ng mga yaon, sabi ng Panginoon, gayon hindi tatahan doon ang sinoman, o tatahan man doon ang sinomang anak ng tao.

41. Narito, isang bayan ay dumarating na mula sa hilagaan; at isang malaking bansa, at maraming hari ay mangahihikayat mula sa kaduluduluhang bahagi ng lupa.

42. Kanilang iniaakma ang busog at ang sibat; sila'y mababagsik, at walang awa; ang kanilang tinig ay humuhugong na parang dagat, at sila'y nagsisisakay sa mga kabayo, bawa't isa ay humahanay na parang lalake sa pakikipagbaka, laban sa iyo, Oh anak na babae ng Babilonia.

43. Nabalitaan ng hari sa Babilonia ang kabantugan nila, at ang kaniyang mga kamay ay nanghihina: pagdadalamhati ay humawak sa kaniya, at paghihirap na gaya ng sa isang babae sa pagdaramdam.

44. Narito, ang kaaway ay sasampa na parang leon mula sa kapalaluan ng Jordan laban sa matibay na tahanan: nguni't bigla kong palalayasin sila sa kaniya; at ang mapili, siya kong ihahalal sa kaniya: sapagka't sinong gaya ko? at sinong magtatakda sa akin ng panahon? at sino ang pastor na tatayo sa harap ko?

45. Kaya't inyong dinggin ang payo ng Panginoon, na kaniyang ipinayo laban sa Babilonia; at ang kaniyang mga pasiyang ipinasiya niya, laban sa lupain ng mga Caldeo: Tunay na kanilang itataboy ang mga maliit sa kawan; tunay na kaniyang ipapahamak ang kanilang tahanan pati sila.

46. Sa ingay ng pagsakop sa Babilonia, ay nayayanig ang lupa, at ang hiyaw ay naririnig sa mga bansa.

Jeremias 50