19. At aking dadalhin uli ang Israel sa kaniyang pastulan, at siya'y sasabsab sa Carmel at sa Basan, at ang kaniyang kalooban ay masisiyahan sa mga burol ng Ephraim at sa Galaad.
20. Sa mga araw na yaon, at sa panahong yaon, sabi ng Panginoon, ang kasamaan ng Israel ay mauusig, at hindi magkakaroon ng anoman; at ang mga kasalanan ng Juda, at hindi sila masusumpungan: sapagka't aking patatawarin sila na aking iniiwan na pinakalabi.
21. Sumampa ka laban sa lupain ng Merathaim, laban doon, at laban sa mga nananahan sa Pekod: pumatay ka at manglipol na lubos na manunod sa kanila, sabi ng Panginoon, at iyong gawin ang ayon sa lahat na iniutos ko sa iyo.
22. Ang hugong ng pagbabaka ay nasa lupain, at ang malaking kapahamakan.
23. Ano't naputol at nabali ang pamukpok ng buong lupa! ano't ang Babilonia ay nasira sa gitna ng mga bansa!
24. Pinaglagyan kita ng silo, at ikaw naman ay nahuli, Oh Babilonia, at hindi mo ginunita: ikaw ay nasumpungan at nahuli rin, sapagka't ikaw ay nakipagtalo laban sa Panginoon.
25. Binuksan ng Panginoon ang kaniyang lalagyan ng almas, at inilabas ang mga almas ng kaniyang pagkagalit; sapagka't ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, ay may gawang gagawin sa lupain ng mga Caldeo.
26. Magsiparoon kayo laban sa kaniya, mula sa kahulihulihang hangganan; inyong buksan ang kaniyang mga kamalig; inyong ihagis na parang mga bunton, at siya'y inyong siraing lubos; huwag maiwanan siya ng anoman.
27. Inyong patayin ang lahat niyang mga toro; pababain sila sa patayan: sa aba nila! sapagka't ang kanilang araw ay dumating, ang araw ng pagdalaw sa kanila.
28. Inyong dinggin ang tinig nila na nagsisitakas at nagsisitahan mula sa lupain ng Babilonia, upang maghayag sa Sion ng kagantihan ng Panginoon nating Dios, ng kagantihan ng kaniyang templo.
29. Inyong pisanin ang mga mamamana laban sa Babilonia, silang lahat na nangagaakma ng busog; magsitayo kayo laban sa kaniya sa palibot; huwag bayaang mangakatanan: inyong gantihin siya ayon sa kaniyang gawa; ayon sa lahat niyang ginawa, gawin ninyo sa kaniya; sapagka't siya'y naging palalo laban sa Panginoon, laban sa Banal ng Israel.
30. Kaya't mabubuwal ang kaniyang mga binata sa kaniyang mga lansangan, at ang lahat niyang lalaking mangdidigma ay madadala sa katahimikan sa araw na yaon, sabi ng Panginoon.
31. Narito, ako'y laban sa iyo, Oh ikaw na palalo, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo; sapagka't ang iyong kaarawan ay dumating, ang panahon na dadalawin kita.
32. At ang palalo ay matitisod at mabubuwal, at walang magbabangon sa kaniya; at ako'y magpapaningas ng apoy sa kaniyang mga bayan, at pupugnawin niyaon ang lahat na nangasa palibot niya.
33. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang mga anak ni Israel at ang mga anak ni Juda ay napipighating magkasama; at lahat na nagsikuhang bihag sa kanila ay hinahawakang mahigpit sila; ayaw pawalan sila.