15. Humiyaw ka laban sa kaniya sa palibot: siya'y sumuko sa kaniyang sarili; ang kaniyang mga sanggalangang dako ay nangabuwal, ang kaniyang mga kuta ay nangabagsak: sapagka't siyang kagantihan ng Panginoon: manghiganti kayo sa kaniya; kung ano ang kaniyang ginawa, gawin ninyo sa kaniya.
16. Ihiwalay ninyo ang manghahasik sa Babilonia, at siyang pumipigil ng karit sa panahon ng pagaani: dahil sa takot sa mamimighating tabak ay babalik bawa't isa sa kaniyang bayan, at tatakas bawa't isa sa kaniyang sariling lupain.
17. Ang Israel ay parang nakalat na tupa; itinaboy siya ng mga leon: ang unang sumakmal sa kaniya ay ang hari sa Asiria; at si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay siyang huling bumali ng kaniyang mga buto.
18. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking parurusahan ang hari sa Babilonia, at ang kaniyang lupain, gaya ng aking pagkaparusa sa hari sa Asiria.
19. At aking dadalhin uli ang Israel sa kaniyang pastulan, at siya'y sasabsab sa Carmel at sa Basan, at ang kaniyang kalooban ay masisiyahan sa mga burol ng Ephraim at sa Galaad.
20. Sa mga araw na yaon, at sa panahong yaon, sabi ng Panginoon, ang kasamaan ng Israel ay mauusig, at hindi magkakaroon ng anoman; at ang mga kasalanan ng Juda, at hindi sila masusumpungan: sapagka't aking patatawarin sila na aking iniiwan na pinakalabi.
21. Sumampa ka laban sa lupain ng Merathaim, laban doon, at laban sa mga nananahan sa Pekod: pumatay ka at manglipol na lubos na manunod sa kanila, sabi ng Panginoon, at iyong gawin ang ayon sa lahat na iniutos ko sa iyo.
22. Ang hugong ng pagbabaka ay nasa lupain, at ang malaking kapahamakan.
23. Ano't naputol at nabali ang pamukpok ng buong lupa! ano't ang Babilonia ay nasira sa gitna ng mga bansa!
24. Pinaglagyan kita ng silo, at ikaw naman ay nahuli, Oh Babilonia, at hindi mo ginunita: ikaw ay nasumpungan at nahuli rin, sapagka't ikaw ay nakipagtalo laban sa Panginoon.
25. Binuksan ng Panginoon ang kaniyang lalagyan ng almas, at inilabas ang mga almas ng kaniyang pagkagalit; sapagka't ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, ay may gawang gagawin sa lupain ng mga Caldeo.
26. Magsiparoon kayo laban sa kaniya, mula sa kahulihulihang hangganan; inyong buksan ang kaniyang mga kamalig; inyong ihagis na parang mga bunton, at siya'y inyong siraing lubos; huwag maiwanan siya ng anoman.
27. Inyong patayin ang lahat niyang mga toro; pababain sila sa patayan: sa aba nila! sapagka't ang kanilang araw ay dumating, ang araw ng pagdalaw sa kanila.
28. Inyong dinggin ang tinig nila na nagsisitakas at nagsisitahan mula sa lupain ng Babilonia, upang maghayag sa Sion ng kagantihan ng Panginoon nating Dios, ng kagantihan ng kaniyang templo.
29. Inyong pisanin ang mga mamamana laban sa Babilonia, silang lahat na nangagaakma ng busog; magsitayo kayo laban sa kaniya sa palibot; huwag bayaang mangakatanan: inyong gantihin siya ayon sa kaniyang gawa; ayon sa lahat niyang ginawa, gawin ninyo sa kaniya; sapagka't siya'y naging palalo laban sa Panginoon, laban sa Banal ng Israel.