1. Ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa Babilonia, tungkol sa lupain ng mga Caldeo, sa pamamagitan ni Jeremias na propeta.
2. Inyong ipahayag sa gitna ng mga bansa, at inyong itanyag, at mangagtaas kayo ng watawat; inyong itanyag, at huwag ninyong ikubli: inyong sabihin, Ang Babilonia ay nasakop, si Bel ay nalagay sa kahihiyan, si Merodach ay nanglulupaypay; ang kaniyang mga larawan ay nalagay sa kahihiyan, ang kaniyang mga diosdiosan ay nanganglupaypay.
3. Sapagka't mula sa hilagaan ay sumasampa ang isang bansa laban sa kaniya, na sisira ng kaniyang lupain, at walang tatahan doon: sila'y nagsitakas, sila'y nagsiyaon, ang tao at gayon din ang hayop.
4. Sa mga araw na yaon, at sa panahong yaon, sabi ng Panginoon, ang mga anak ni Israel ay magsisidating, sila, at ang mga anak ni Juda na magkakasama: sila'y magsisiyaon ng kanilang lakad na nagsisiiyak, at hahanapin nila ang Panginoon nilang Dios.
5. Kanilang ipagtatanong ang daan ng Sion, na ang kanilang mga mukha ay nakaharap sa dakong yaon, na magsasabi, Magsiparito kayo, at lumakip kayo sa Panginoon sa walang hanggang tipan na hindi malilimutan.
6. Ang aking bayan ay naging gaya ng nawalang tupa: iniligaw sila ng kanilang mga pastor; sila'y inilihis sa mga bundok; sila'y nagsiparoon sa burol mula sa bundok; kanilang nalimutan ang kanilang pahingahang dako.
7. Sinasakmal sila ng lahat na nangakakasumpong sa kanila; at sinabi ng kanilang mga kaaway, Kami ay walang kasalanan, sapagka't sila'y nangagkasala laban sa Panginoon, na tatahanan ng kahatulan, sa makatuwid baga'y sa Panginoon, na pagasa ng kanilang mga magulang.