Jeremias 5:7-23 Ang Biblia (TLAB)

7. Paanong mapatatawad kita? pinabayaan ako ng iyong mga anak, at nagsisumpa sa pamamagitan niyaong mga hindi dios. Nang sila'y aking mabusog, sila'y nangalunya, at nagpupulong na pulupulutong sa mga bahay ng mga patutot.

8. Sila'y parang pinakaing mga kabayong pagalagala: bawa't isa'y humalinghing sa asawa ng kaniyang kapuwa.

9. Hindi baga dadalaw ako dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon: at hindi baga manghihiganti ang kaluluwa ko sa isang ganiyang bansa na gaya nito?

10. Sampahin ninyo ang kaniyang mga kuta at inyong gibain; nguni't huwag kayong magsigawa ng lubos na kawakasan; alisin ninyo ang kaniyang mga sanga; sapagka't sila'y hindi sa Panginoon.

11. Sapagka't ang sangbahayan ni Israel at ang sangbahayan ni Juda ay gumagawang may kataksilan laban sa akin, sabi ng Panginoon.

12. Kanilang ikinaila ang Panginoon, at sinabi, Hindi siya; ni darating sa atin ang kasamaan; ni makakakita tayo ng tabak o ng kagutom man:

13. At ang mga propeta ay magiging parang hangin, at ang salita ay wala sa kanila: ganito ang gagawin sa kanila.

14. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, Sapagka't inyong sinalita ang salitang ito, narito, gagawin ko na ang aking mga salita sa inyong bibig ay maging apoy, at ang bayang ito ay kahoy, at sila'y pupugnawin niyaon.

15. Narito, dadalhin ko ang bansa sa inyo na mula sa malayo, Oh sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoon: siyang makapangyarihang bansa, siyang matandang bansa, isang bansa na ang wika ay hindi mo naiintindihan, o nababatid mo man kung ano ang kanilang sinasabi.

16. Ang kanilang lalagyan ng pana ay bukas na libingan, silang lahat ay makapangyarihang lalake.

17. At kakanin nila ang iyong ani, at ang iyong tinapay, na dapat sanang kanin ng iyong mga anak na lalake at babae; kanilang kakanin ang iyong mga kawan at ang iyong mga bakahan; kanilang kakanin ang iyong mga puno ng ubas at ang iyong mga puno ng igos; kanilang ibabagsak ang iyong mga bayan na nababakuran, na iyong tinitiwalaan, sa pamamagitan ng tabak.

18. Nguni't sa mga araw mang yaon, sabi ng Panginoon, hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan sa inyo.

19. At mangyayari, pagka inyong sasabihin, Bakit ginawa ng Panginoon nating Dios ang lahat ng mga bagay na ito sa atin? kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, Kung paanong inyong pinabayaan ako, at nangaglingkod kayo sa mga ibang dios sa inyong lupain, gayon kayo mangaglingkod sa mga taga ibang lupa sa isang lupain na hindi inyo.

20. Inyong ipahayag ito sa sangbahayan ni Jacob, at inyong ibalita sa Juda na inyong sabihin,

21. Inyong dinggin ngayon ito, Oh hangal na bayan, at walang unawa; na may mga mata, at hindi nakakakita; na may mga pakinig, at hindi nakakarinig:

22. Hindi kayo nangatatakot sa akin? sabi ng Panginoon: hindi baga kayo manginginig sa aking harapan, na naglagay ng buhangin na pinakahangganan ng dagat, sa pamamagitan ng pinakawalang hanggang pasiya, upang huwag makalampas? at bagaman maginalon ang kaniyang mga alon, hindi rin mananaig; bagaman ang mga ito'y nagsisihugong, hindi rin ang mga ito'y makaraan.

23. Nguni't ang bayang ito ay may magulo at mapanghimagsik na puso; sila'y nanghimagsik at nagsiyaon.

Jeremias 5