Jeremias 49:26-35 Ang Biblia (TLAB)

26. Kaya't ang kaniyang mga binata ay mangabubuwal sa kaniyang mga lansangan, at lahat ng lalake na mangdidigma ay mangadadala sa katahimikan sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

27. At ako'y magsusulsol ng apoy sa kuta ng Damasco, at pupugnawin niyaon ang mga palacio ni Benhadad.

28. Tungkol sa Cedar, at sa mga kaharian ng Hasor na sinaktan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia. Ganito ang sabi ng Panginoon, Magsibangon kayo, magsisampa kayo sa Cedar, at inyong lipulin ang mga anak ng silanganan.

29. Ang kanilang mga tolda at ang kanilang mga kawan ay kanilang kukunin; kanilang kukunin para sa kanilang sarili ang kanilang mga tabing, at lahat nilang sisidlan, at ang kanilang mga kamelyo: at hihiyawan nila sila: Kakilabutan sa lahat ng dako!

30. Magsitakas kayo, gumala kayo ng malayo, magsitahan kayo sa kalaliman, Oh kayong mga nananahan sa Hasor, sabi ng Panginoon; sapagka't kumuhang payo si Nabucodonosor na hari sa Babilonia laban sa inyo, at may ipinasiya laban sa inyo.

31. Magsibangon kayo, inyong sampahin ang bansang tiwasay, na tumatahang walang bahala, sabi ng Panginoon; na wala kahit pintuangbayan o mga halang man, na tumatahang magisa.

32. At ang kanilang mga kamelyo ay magiging samsam, at ang karamihan ng kanilang kawan ay samsam: at aking pangangalatin sa lahat ng hangin ang mga may gupit sa dulo ng kanilang buhok; at aking dadalhin ang kanilang kasakunaan na mula sa lahat nilang dako, sabi ng Panginoon.

33. At ang Hasor ay magiging tahanang dako ng mga chakal, sira magpakailan man: walang taong tatahan doon, ni sinomang anak ng tao ay mangingibang bayan doon.

34. Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa Elam sa pagpapasimula ng paghahari ni Sedechias na hari sa Juda, na nagsasabi,

35. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking babaliin ang busog ng Elam, ang pinakapangulo ng kaniyang kapangyarihan.

Jeremias 49