Jeremias 49:21-32 Ang Biblia (TLAB)

21. Ang lupa ay nayayanig sa hugong ng kanilang pagkabuwal; may hiyawan, na ang ingay ay naririnig sa Dagat na Mapula.

22. Narito, siya'y sasampa at parang aguila na lilipad, at magbubuka ng kaniyang mga pakpak laban sa Bosra: at ang puso ng mga makapangyarihang lalake ng Edom sa araw na yaon ay magiging parang puso ng babae sa kaniyang pagdaramdam.

23. Tungkol sa Damasco. Ang Hamath ay napahiya, at ang Arphad; sapagka't sila'y nangakarinig ng mga masamang balita, sila'y nanganglulupaypay: may kapanglawan sa dagat; hindi maaaring tumahimik.

24. Ang Damasco ay humihina, siya'y tumatalikod upang tumakas, at panginginig ay humahawak sa kaniya: kalungkutan at mga kapanglawan ay sumapit sa kaniya na gaya sa babae sa pagdaramdam.

25. Ano't hindi pinabayaan ang bayan na kapurihan, ang bayan na aking kagalakan?

26. Kaya't ang kaniyang mga binata ay mangabubuwal sa kaniyang mga lansangan, at lahat ng lalake na mangdidigma ay mangadadala sa katahimikan sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

27. At ako'y magsusulsol ng apoy sa kuta ng Damasco, at pupugnawin niyaon ang mga palacio ni Benhadad.

28. Tungkol sa Cedar, at sa mga kaharian ng Hasor na sinaktan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia. Ganito ang sabi ng Panginoon, Magsibangon kayo, magsisampa kayo sa Cedar, at inyong lipulin ang mga anak ng silanganan.

29. Ang kanilang mga tolda at ang kanilang mga kawan ay kanilang kukunin; kanilang kukunin para sa kanilang sarili ang kanilang mga tabing, at lahat nilang sisidlan, at ang kanilang mga kamelyo: at hihiyawan nila sila: Kakilabutan sa lahat ng dako!

30. Magsitakas kayo, gumala kayo ng malayo, magsitahan kayo sa kalaliman, Oh kayong mga nananahan sa Hasor, sabi ng Panginoon; sapagka't kumuhang payo si Nabucodonosor na hari sa Babilonia laban sa inyo, at may ipinasiya laban sa inyo.

31. Magsibangon kayo, inyong sampahin ang bansang tiwasay, na tumatahang walang bahala, sabi ng Panginoon; na wala kahit pintuangbayan o mga halang man, na tumatahang magisa.

32. At ang kanilang mga kamelyo ay magiging samsam, at ang karamihan ng kanilang kawan ay samsam: at aking pangangalatin sa lahat ng hangin ang mga may gupit sa dulo ng kanilang buhok; at aking dadalhin ang kanilang kasakunaan na mula sa lahat nilang dako, sabi ng Panginoon.

Jeremias 49