2. Kaya't, narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking iparirinig ang kaingay ng digmaan laban sa Rabba ng mga anak ng Ammon; at magiging isang gibang bunton, at ang kaniyang mga anak na babae ay masusunog ng apoy: kung magkagayo'y mga aariin ng Israel ang nagari sa kaniya, sabi ng Panginoon.
3. Tumangis ka, Oh Hesbon, sapagka't ang Hai ay nasamsaman; magsiiyak kayo, kayong mga anak na babae ng Rabba, kayo'y mangagbigkis ng kayong magaspang: kayo'y magsitaghoy, at magsitakbong paroo't parito sa gitna ng mga bakuran; sapagka't si Malcam ay papasok sa pagkabihag, ang kaniyang mga saserdote at ang kaniyang mga prinsipe na magkakasama.
4. Bakit ka nagpapakaluwalhati sa mga libis, ikaw na mainam na libis, Oh tumatalikod na anak na babae? na tumiwala sa kaniyang mga kayamanan, na kaniyang sinasabi, Sinong paririto sa akin?
5. Narito, sisidlan kita ng takot, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, mula sa lahat na nangasa buong palibot mo; at kayo'y mangatataboy bawa't isa na patuloy, at walang magiipon sa kanila na nagsisitakas.
6. Nguni't pagkatapos ay aking ibabalik na muli ang mga anak ni Ammon mula sa pagkabihag, sabi ng Panginoon.
7. Tungkol sa Edom. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Wala na baga ang karunungan sa Teman? nawala baga ang payo sa mabait? nawala baga ang kanilang karunungan?
8. Magsitakas kayo, magsibalik kayo, kayo'y magsitahan sa kalaliman, Oh mga nananahan sa Dedan; sapagka't aking dadalhin ang kapahamakan ng Esau sa kaniya, sa panahon na aking dadalawin siya.
9. Kung ang mga mangaani ng ubas ay magsidating sa iyo, hindi baga sila mangagiiwan ng mapupulot na mga ubas? kung mga magnanakaw sa gabi, hindi baga sila magsisigiba ng hanggang magkaroon ng kahustuhan?
10. Nguni't aking hinubdan ang Esau, aking inilitaw ang kaniyang mga kublihan, at siya'y hindi makapagkukubli: ang kaniyang mga binhi ay nasira, at ang kaniyang mga kapatid, at ang kaniyang mga kalapit, at siya'y wala na rin.
11. Iwan mo ang iyong mga ulilang anak, aking iingatan silang buhay: at magsitiwala sa akin ang iyong mga babaing bao.
12. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, silang hindi nangauukol magsiinom sa saro ay walang pagsalang magsisiinom; at ikaw baga'y yayaong lubos na walang parusa? ikaw ay hindi yayaon na walang parusa, kundi walang pagsalang iinom ka.
13. Sapagka't ako'y sumumpa sa pamamagitan ng aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang Bosra ay magiging katigilan, kakutyaan, kasiraan, at kasumpaan; at ang lahat ng mga bayan niyaon ay magiging walang hanggang pagkasira.
14. Ako'y nakarinig ng mga balita na mula sa Panginoon, at isang sugo ay sinugo sa gitna ng mga bansa, na sinasabi, Kayo'y magpipisan, at magsiparoon laban sa kaniya, at magsibangon sa pakikipagbaka.
15. Sapagka't, narito, ginawa kitang maliit sa gitna ng mga bansa, at hinamak kita sa gitna ng mga tao.
16. Tungkol sa iyong mga kakilabutan, dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso, Oh ikaw na tumatahan sa mga bitak ng bato, na humahawak sa kaitaasan ng burol: bagaman iyong pataasin ang iyong pugad na kasingtaas ng aguila, aking ibababa ka mula roon, sabi ng Panginoon.