16. Tungkol sa iyong mga kakilabutan, dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso, Oh ikaw na tumatahan sa mga bitak ng bato, na humahawak sa kaitaasan ng burol: bagaman iyong pataasin ang iyong pugad na kasingtaas ng aguila, aking ibababa ka mula roon, sabi ng Panginoon.
17. At ang Edom ay magiging katigilan: bawa't nagdaraan ay matitigilan, at susutsot dahil sa lahat ng salot doon.
18. Kung paano ang nangyari sa Sodoma at Gomorra, at sa mga kalapit bayan niyaon, sabi ng Panginoon, gayon walang lalake na tatahan doon, ni sinomang anak ng tao ay mangingibang bayan doon.
19. Narito, siya'y sasampa na parang leon mula sa kapalaluan ng Jordan laban sa matibay na tahanan: sapagka't bigla kong patatakbuhin siya mula roon; at ang mapili siya kong ihahalal sa kaniya: sapagka't sino ang gaya ko? at sinong nagtatakda sa akin ng panahon? at sino ang pastor na makatatayo sa harap ko?
20. Kaya't inyong dinggin ang payo ng Panginoon, na kaniyang ipinasiya laban sa Edom; at ang kaniyang mga panukala na kaniyang pinanukala laban sa mga nananahan sa Teman: Tunay na itataboy sila, sa makatuwid baga'y ang mga maliit ng kawan; tunay na kaniyang ipapahamak ang kanilang tahanan kalakip nila.
21. Ang lupa ay nayayanig sa hugong ng kanilang pagkabuwal; may hiyawan, na ang ingay ay naririnig sa Dagat na Mapula.
22. Narito, siya'y sasampa at parang aguila na lilipad, at magbubuka ng kaniyang mga pakpak laban sa Bosra: at ang puso ng mga makapangyarihang lalake ng Edom sa araw na yaon ay magiging parang puso ng babae sa kaniyang pagdaramdam.
23. Tungkol sa Damasco. Ang Hamath ay napahiya, at ang Arphad; sapagka't sila'y nangakarinig ng mga masamang balita, sila'y nanganglulupaypay: may kapanglawan sa dagat; hindi maaaring tumahimik.
24. Ang Damasco ay humihina, siya'y tumatalikod upang tumakas, at panginginig ay humahawak sa kaniya: kalungkutan at mga kapanglawan ay sumapit sa kaniya na gaya sa babae sa pagdaramdam.
25. Ano't hindi pinabayaan ang bayan na kapurihan, ang bayan na aking kagalakan?
26. Kaya't ang kaniyang mga binata ay mangabubuwal sa kaniyang mga lansangan, at lahat ng lalake na mangdidigma ay mangadadala sa katahimikan sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
27. At ako'y magsusulsol ng apoy sa kuta ng Damasco, at pupugnawin niyaon ang mga palacio ni Benhadad.
28. Tungkol sa Cedar, at sa mga kaharian ng Hasor na sinaktan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia. Ganito ang sabi ng Panginoon, Magsibangon kayo, magsisampa kayo sa Cedar, at inyong lipulin ang mga anak ng silanganan.
29. Ang kanilang mga tolda at ang kanilang mga kawan ay kanilang kukunin; kanilang kukunin para sa kanilang sarili ang kanilang mga tabing, at lahat nilang sisidlan, at ang kanilang mga kamelyo: at hihiyawan nila sila: Kakilabutan sa lahat ng dako!
30. Magsitakas kayo, gumala kayo ng malayo, magsitahan kayo sa kalaliman, Oh kayong mga nananahan sa Hasor, sabi ng Panginoon; sapagka't kumuhang payo si Nabucodonosor na hari sa Babilonia laban sa inyo, at may ipinasiya laban sa inyo.