Jeremias 48:36-47 Ang Biblia (TLAB)

36. Kaya't ang aking puso ay tumutunog na gaya ng plauta dahil sa Moab, at ang aking puso ay tumutunog na gaya ng plauta dahil sa mga lalake sa Kir-heres: kaya't ang kasaganaan na kaniyang tinangkilik ay napawi.

37. Sapagka't bawa't ulo ay kalbo, at bawa't balbas ay ginupit: sa lahat ng mga kamay ay may mga kudlit, at sa mga baywang ay may kayong magaspang.

38. Sa lahat ng mga bubungan ng Moab at sa mga lansangan niyaon ay may panaghoy saa't saan man; sapagka't aking binasag ang Moab na parang sisidlan na di kinalulugdan, sabi ng Panginoon.

39. Ano't nabagsak! ano't tumatangis! ano't ang Moab ay tumalikod na may kahihiyan! gayon magiging kakutyaan at kapanglupaypayan ang Moab sa lahat na nangasa palibot niya.

40. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, siya'y lilipad na parang aguila, at magbubuka ng kaniyang mga pakpak laban sa Moab.

41. Ang Cherioth ay nasakop, at ang mga katibayan ay nasamsam, at ang puso ng mga makapangyarihang tao ng Moab sa araw na yaon ay magiging parang puso ng babae sa kaniyang pagdaramdam.

42. Ang Moab ay masisira sa pagiging bayan, sapagka't siya'y nagmalaki laban sa Panginoon.

43. Pagkatakot, at hukay, at silo, ay sasa iyo, Oh nananahan sa Moab, sabi ng Panginoon.

44. Siyang tumatakas sa pagkatakot ay mahuhulog sa hukay; at siyang umahon sa hukay ay mahuhuli ng silo: sapagka't dadalhin ko sa kaniya, sa Moab, ang taon ng pagdalaw sa kaniya, sabi ng Panginoon.

45. Silang nagsisitakas ay nagsisitayong walang lakas sa ilalim ng Hesbon; sapagka't ang apoy ay lumabas sa Hesbon, at ang alab mula sa gitna ng Sihon, at pinugnaw ang tagiliran ng Moab, at ang bao ng ulo ng mga manggugulo.

46. Sa aba mo, Oh Moab! ang bayan ni Chemos ay nawala; sapagka't ang iyong mga anak na lalake ay nadalang bihag, at ang iyong mga anak na babae ay nasok sa pagkabihag.

47. Gayon ma'y ibabalik ko uli ang Moab na mula sa pagkabihag sa mga huling araw, sabi ng Panginoon. Hanggang dito ang kahatulan sa Moab.

Jeremias 48