34. Mula sa hiniyawan ng Hesbon hanggang sa Eleale, hanggang sa Jajaz ay naglakas sila ng kanilang tinig, mula sa Zoar hanggang sa Horonaim, sa Eglat-selisiya: sapagka't ang tubig ng Nimrim man ay masisira.
35. Bukod dito ay aking papaglilikatin sa Moab, sabi ng Panginoon, ang naghahandog sa mataas na dako, at nagsusunog ng kamangyan sa kaniyang mga dios.
36. Kaya't ang aking puso ay tumutunog na gaya ng plauta dahil sa Moab, at ang aking puso ay tumutunog na gaya ng plauta dahil sa mga lalake sa Kir-heres: kaya't ang kasaganaan na kaniyang tinangkilik ay napawi.
37. Sapagka't bawa't ulo ay kalbo, at bawa't balbas ay ginupit: sa lahat ng mga kamay ay may mga kudlit, at sa mga baywang ay may kayong magaspang.
38. Sa lahat ng mga bubungan ng Moab at sa mga lansangan niyaon ay may panaghoy saa't saan man; sapagka't aking binasag ang Moab na parang sisidlan na di kinalulugdan, sabi ng Panginoon.
39. Ano't nabagsak! ano't tumatangis! ano't ang Moab ay tumalikod na may kahihiyan! gayon magiging kakutyaan at kapanglupaypayan ang Moab sa lahat na nangasa palibot niya.
40. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, siya'y lilipad na parang aguila, at magbubuka ng kaniyang mga pakpak laban sa Moab.
41. Ang Cherioth ay nasakop, at ang mga katibayan ay nasamsam, at ang puso ng mga makapangyarihang tao ng Moab sa araw na yaon ay magiging parang puso ng babae sa kaniyang pagdaramdam.
42. Ang Moab ay masisira sa pagiging bayan, sapagka't siya'y nagmalaki laban sa Panginoon.
43. Pagkatakot, at hukay, at silo, ay sasa iyo, Oh nananahan sa Moab, sabi ng Panginoon.
44. Siyang tumatakas sa pagkatakot ay mahuhulog sa hukay; at siyang umahon sa hukay ay mahuhuli ng silo: sapagka't dadalhin ko sa kaniya, sa Moab, ang taon ng pagdalaw sa kaniya, sabi ng Panginoon.