Jeremias 48:15-33 Ang Biblia (TLAB)

15. Ang Moab ay nalalagay na sira, at ang kaniyang mga bayan ay mga sinampa, at ang kaniyang mga piling binata ay nagsibaba sa patayan, sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.

16. Ang kasakunaan ng Moab ay malapit nang darating, at ang kaniyang pagdadalamhati ay nagmamadali.

17. Kayong lahat na nangasa palibot niya, panaghuyan ninyo siya, at ninyong lahat na nangakakakilala ng kaniyang pangalan; inyong sabihin, Bakit ang matibay na tukod ay nabali, ang magandang tungkod!

18. Oh ikaw na anak na babae na tumatahan sa Dibon, bumaba ka na mula sa inyong kaluwalhatian, at umupo kang uhaw; sapagka't ang manglilipol ng Moab ay sumampa laban sa iyo, kaniyang giniba ang iyong mga katibayan.

19. Oh nananahan sa Aroer, tumayo ka sa tabi ng daan, at manubok ka: itanong mo sa kaniya na tumatakas, at sa kaniya na tumatanan; iyong sabihin; Ano ang nangyari?

20. Ang Moab ay nalagay sa kahihiyan; sapagka't nagiba: kayo ay magsitangis at magsihiyaw; saysayin ninyo sa Arnon, na ang Moab ay nasira.

21. At ang kahatulan ay dumating sa lupaing patag, sa Holon, at sa Jahzah, at sa Mephaath,

22. At sa Dibon, at sa Nebo, at sa Beth-diblathaim,

23. At sa Chiriathaim, at sa Beth-gamul, at sa Beth-meon;

24. At sa Cherioth, at sa Bosra, at sa lahat ng bayan ng lupain ng Moab, malayo o malapit.

25. Ang sungay ng Moab ay nahiwalay, at ang kaniyang bisig ay nabali, sabi ng Panginoon.

26. Languhin ninyo siya; sapagka't siya'y nagmalaki laban sa Panginoon: at ang Moab ay gugumon sa kaniyang suka, at siya man ay magiging kakutyaan.

27. Sapagka't hindi baga naging kakutyaan ang Israel sa iyo? hindi baga siya nasumpungan sa gitna ng mga magnanakaw? sapagka't kung paanong kadalas sinasalita mo siya, gayon naguuga ka ng ulo.

28. Oh kayong mga nananahan sa Moab, inyong iwan ang mga bayan, at kayo'y magsitahan sa malaking bato; at maging gaya ng kalapati na nagpupugad sa mga tabi ng bunganga ng guwang.

29. Aming nabalitaan ang kapalaluan ng Moab, na siya'y totoong palalo; ang kaniyang pagmamataas, at ang kaniyang pagpapalalo, at ang kaniyang kahambugan, at ang pagmamatigas ng kaniyang puso.

30. Talastas ko ang kaniyang poot ay walang mangyayari; sabi ng Panginoon, ang kaniyang paghahambog ay walang nangyari.

31. Kaya't aking tatangisan ang Moab; oo, ako'y hihiyaw dahil sa buong Moab: dahil sa mga tao ng Kir-heres ay magsisitangis sila.

32. Tatangis ako ng higit kay sa pagtangis ng Jazer dahil sa iyo, Oh puno ng ubas ng Sibma: ang iyong mga sanga ay nagsisidaan ng dagat, nagsisiabot hanggang sa dagat ng Jazer: sa iyong mga bungang taginit at sa iyong ani ay dumaluhong ang manglilipol.

33. At ang kasayahan at kagalakan ay naalis, sa mainam na bukid at sa lupain ng Moab; at aking pinatigil ang alak sa mga alilisan: walang yayapak na may hiyawan; ang paghihiyawan ay hindi magiging paghihiyawan.

Jeremias 48