Jeremias 48:1-11 Ang Biblia (TLAB)

1. Tungkol sa Moab. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Sa aba ng Nebo! sapagka't nalagay na sira; Chiriathaim ay nalagay sa kahihiyan, nasakop; ang Misgab ay nalagay sa kahihiyan at nabagsak.

2. Ang kapurihan ng Moab ay nawala; sa Hesbon ay nagsisikatha sila ng kasamaan laban sa kaniya: Magsiparito kayo, at ihiwalay natin siya sa pagkabansa. Ikaw, naman, Oh Madmena, madadala sa katahimikan; hahabulin ka ng tabak.

3. Ang hugong ng hiyaw mula sa Horonaim, pananamsam at malaking kapahamakan!

4. Ang Moab ay sira; ang kaniyang mga bata ay nagpadinig ng kanilang hibik.

5. Sapagka't sa ahunan sa Luhith ay magsisiahon sila na may laging pagiyak; sapagka't kanilang narinig sa lusungan sa Horonaim ang kapanglawan ng hiyaw ng pagkapahamak.

6. Magsitakas kayo, inyong iligtas ang inyong mga buhay, at kayo'y maging parang kugon sa ilang.

7. Sapagka't yamang ikaw ay tumiwala sa iyong mga gawa at sa iyong mga kayamanan, ikaw man ay makukuha: at si Chemos ay papasok sa pagkabihag, ang kaniyang mga saserdote at ang kaniyang mga prinsipe na magkakasama.

8. At ang manglilipol ay darating sa bawa't bayan, at walang bayan na makatatanan; ang libis naman ay nawawala, at ang kapatagan ay masisira; gaya ng sinalita ng Panginoon.

9. Mangagbigay kayo ng mga pakpak sa Moab, upang siya'y makalipad makalabas: at ang kaniyang mga bayan ay masisira, na walang sinomang tatahan doon.

10. Sumpain nawa siya na gumagawa na walang bahala sa gawain ng Panginoon; at sumpain siya na naguurong ng kaniyang tabak sa dugo.

11. Ang Moab na tiwasay mula sa kaniyang kabataan, at siya'y nagpahinga sa kaniyang mga latak, at hindi napagsalinsalin sa sisidlan at sisidlan, o pumasok man siya sa pagkabihag: kaya't ang kaniyang lasa ay nananatili sa kaniya, at ang kaniyang bango ay hindi nababago.

Jeremias 48