Jeremias 46:16-28 Ang Biblia (TLAB)

16. Kaniyang itinisod ang marami, oo, sila'y nangabuwal na patongpatong, at kanilang sinabi, Bumangon ka, at magsiparoon tayo uli sa ating sariling bayan, at sa lupain na kinapanganakan sa atin, mula sa mapagpighating tabak.

17. Sila'y nagsihiyaw roon, Si Faraong hari sa Egipto ay isang hugong lamang; kaniyang pinaraan ang takdang panahon.

18. Buhay ako, sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo, tunay na kung paano ang Tabor sa gitna ng mga bundok, at kung paano ang Carmel sa tabi ng dagat, gayon siya darating.

19. Oh ikaw na anak na babae na tumatahan sa Egipto, gumayak ka sa pagpasok sa pagkabihag; sapagka't ang Memphis ay masisira, at magniningas na mawawalan ng mananahan.

20. Ang Egipto ay napakagandang dumalagang baka; nguni't pagkasirang mula sa hilagaan ay dumarating, dumarating.

21. Ang kaniya namang mga taong upahan sa gitna niya ay parang mga guya sa kulungan; sapagka't sila man ay nagsibalik, sila'y nagsitakas na magkakasama, sila'y hindi nagsitayo: sapagka't ang kaarawan ng kanilang kasakunaan ay dumating sa kanila, ang panahon ng pagdalaw sa kanila.

22. Ang hugong niyaon ay yayaong parang ahas; sapagka't sila'y magsisiyaong kasama ng hukbo, at magsisiparoong laban sa kaniya na mga may palakol, na parang mga mamumutol ng kahoy.

23. Kanilang puputulin ang kaniyang gubat, sabi ng Panginoon, bagaman mahirap pasukin; sapagka't sila'y higit kay sa mga balang, at walang bilang.

24. Ang anak na babae ng Egipto ay malalagay sa kahihiyan; siya'y mabibigay sa kamay ng bayan ng hilagaan.

25. Sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking parurusahan si Amon na taga No, at si Faraon, at ang Egipto, sangpu ng kaniyang mga dios at ng kaniyang mga hari; maging si Faraon, at silang nagsisitiwala sa kaniya:

26. At aking ibibigay sila sa kamay ng nagsisiusig ng kanilang mga buhay, at sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at sa kamay ng kaniyang mga lingkod; at pagkatapos ay tatahanan na gaya ng mga araw nang una, sabi ng Panginoon.

27. Nguni't huwag kang matakot, Oh Jacob na aking lingkod, ni manglupaypay ka, Oh Israel: sapagka't narito, ililigtas kita mula sa malayo, at ang iyong lahi ay mula sa lupain ng kanilang pagkabihag; at ang Jacob ay babalik, at magiging tahimik at tiwasay, at walang tatakot sa kaniya.

28. Huwag kang matakot, Oh Jacob na aking lingkod, sabi ng Panginoon, sapagka't ako'y sumasaiyo: sapagka't ako'y gagawa ng lubos na kawakasan sa lahat ng bansa na aking pinagtabuyan sa iyo; nguni't hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan sa iyo, kundi sasawayin kita ng kahatulan, at hindi kita iiwan sa anomang paraan ng walang kaparusahan.

Jeremias 46