10. Sapagka't ang araw na yaon ay sa Panginoon, sa Panginoon ng mga hukbo, araw ng panghihiganti, upang maipanghiganti niya siya sa kaniyang mga kaaway: at ang tabak ay lalamon at mabubusog, at magpapakalango sa dugo nila: sapagka't ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, may hain sa lupaing hilagaan sa tabi ng ilog Eufrates.
11. Sumampa ka sa Galaad, at kumuha ka ng balsamo, Oh anak na dalaga ng Egipto: sa walang kabuluhan gumagamit ka ng maraming gamot; hindi ka na gagaling.
12. Nabalitaan ng mga bansa ang iyong kahihiyan, at ang lupa ay puno ng iyong hiyaw, sapagka't ang makapangyarihan ay natisod laban sa makapangyarihan, sila'y nangabuwal kapuwa na magkasama.
13. Ang salita na sinalita ng Panginoon kay Jeremias na propeta, kung paanong si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay darating, at sasaktan ang lupain ng Egipto.
14. Ipahayag ninyo sa Egipto, at inyong ihayag sa Migdol, at inyong ihayag sa Memphis, at sa Taphnes: sabihin ninyo, Tumayo ka, at humanda ka; sapagka't ang tabak ay nanakmal sa palibot mo.
15. Bakit ang iyong mga malakas ay napaalis? sila'y hindi nagsitayo, sapagka't itinaboy ng Panginoon.
16. Kaniyang itinisod ang marami, oo, sila'y nangabuwal na patongpatong, at kanilang sinabi, Bumangon ka, at magsiparoon tayo uli sa ating sariling bayan, at sa lupain na kinapanganakan sa atin, mula sa mapagpighating tabak.
17. Sila'y nagsihiyaw roon, Si Faraong hari sa Egipto ay isang hugong lamang; kaniyang pinaraan ang takdang panahon.
18. Buhay ako, sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo, tunay na kung paano ang Tabor sa gitna ng mga bundok, at kung paano ang Carmel sa tabi ng dagat, gayon siya darating.
19. Oh ikaw na anak na babae na tumatahan sa Egipto, gumayak ka sa pagpasok sa pagkabihag; sapagka't ang Memphis ay masisira, at magniningas na mawawalan ng mananahan.
20. Ang Egipto ay napakagandang dumalagang baka; nguni't pagkasirang mula sa hilagaan ay dumarating, dumarating.
21. Ang kaniya namang mga taong upahan sa gitna niya ay parang mga guya sa kulungan; sapagka't sila man ay nagsibalik, sila'y nagsitakas na magkakasama, sila'y hindi nagsitayo: sapagka't ang kaarawan ng kanilang kasakunaan ay dumating sa kanila, ang panahon ng pagdalaw sa kanila.