12. At aking kukunin ang nalabi sa Juda na nagtitig ng kanilang mga mukha na pumasok sa lupain ng Egipto upang mangibang bayan doon, at silang lahat ay mangalipol; sa lupain ng Egipto ay mangabubuwal sila; sila'y lilipulin ng tabak, at ng kagutom; sila'y mangamamatay mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan sa pamamagitan ng tabak at ng kagutom; at sila'y magiging katungayawan, at katigilan, at kasumpaan, at kadustaan.
13. Sapagka't aking parurusahan silang nagsisitahan sa lupain ng Egipto, gaya ng aking pagkaparusa sa Jerusalem sa pamamagitan ng tabak, ng kagutom, at ng salot;
14. Na anopa't wala sa nalabi sa Juda na pumasok sa lupain ng Egipto na nangibang bayan doon, ay makatatanan o maiiwan man, upang makabalik sa lupain ng Juda na kanilang pinagnanasaang pagbalikan upang tahanan: sapagka't walang magsisibalik liban sa mga makatatanan.
15. Nang magkagayo'y lahat ng lalake na nakaalam na ang kanilang mga asawa ay nangagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, at ang lahat na babae na nangakatayo, isang malaking kapulungan, sa makatuwid baga'y ang buong bayan na tumahan sa lupain ng Egipto, sa Pathros, ay sumagot kay Jeremias, na nagsasabi,
16. Tungkol sa salita na iyong sinalita sa amin sa pangalan ng Panginoon, hindi ka namin didinggin.
17. Kundi aming tunay na isasagawa ang bawa't salita na lumabas sa aming bibig, upang ipagsunog ng kamangyan ang reina ng langit, at ipagbuhos siya ng inuming handog, gaya ng aming ginawa, namin, at ng aming mga magulang, ng aming mga hari, at ng aming mga prinsipe sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem; sapagka't noon ay nagkaroon kami ng saganang pagkain, at kami ay nagsisibuti, at hindi nakakita ng kasamaan.
18. Nguni't mula nang aming iwan ang pagsusunog ng kamangyan sa reina ng langit, at ipagbuhos siya ng mga inuming handog, kami ay nangailangan ng lahat na bagay, at kami ay nangalipol ng tabak at ng kagutom.
19. At nang kami ay magsunog ng kamangyan sa reina ng langit at ipagbuhos siya ng mga inuming handog iginawa baga namin siya ng munting tinapay upang sambahin siya, at ipinagbuhos baga namin siya ng mga inuming handog, na wala ang aming mga asawa?
20. Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias sa buong bayan, sa mga lalake, at sa mga babae sa buong bayan na nagbigay sa kaniya ng sagot na yaon, na nagsasabi,
21. Ang kamangyan na inyong sinunog sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, ninyo, at ng inyong mga magulang, ng inyong mga hari at ng inyong mga prinsipe, at ng bayan ng lupain, hindi baga inalaala ng Panginoon, at hindi baga pumasok sa kaniyang pagiisip?
22. Na anopa't ang Panginoon ay hindi nakapagpigil ng maluwat, dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa, at dahil sa mga kasuklamsuklam na inyong ginawa; kaya't ang inyong lupain ay naging sira, at katigilan, at kasumpaan, na walang mananahan gaya sa araw na ito.
23. Sapagka't kayo'y nangagsunog ng kamangyan, at sapagka't kayo'y nangagkasala laban sa Panginoon, at hindi nagsitalima sa tinig ng Panginoon, o nagsilakad man sa kaniyang kautusan, o sa kaniyang palatuntunan man, o sa kaniyang mga patotoo man; dahil dito ang kasamaang ito ay nangyari sa inyo, gaya sa araw na ito.
24. Bukod dito ay sinabi ni Jeremias sa buong bayan, at sa lahat ng mga babae, Inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, buong Juda, na nasa lupain ng Egipto:
25. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, na nagsasabi, Kayo at ang inyong mga asawa ay kapuwa nangagsalita ng inyong mga bibig, at ginanap ng inyong mga kamay, na nagsasabi, Tunay na aming tutuparin ang aming mga panata na aming ipinanata, na magsunog ng kamangyan sa reina ng langit, at ipagbuhos ng mga inuming handog siya: inyo ngang isagawa ang inyong mga panata, at inyong tuparin ang inyong mga panata.
26. Kaya't inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, buong Juda na tumatahan sa lupain ng Egipto. Narito, ako'y sumumpa ng aking dakilang pangalan, sabi ng Panginoon, na ang aking pangalan ay hindi mababanggit sa bibig ng sinoman sa Juda sa buong lupain ng Egipto, na sabihin, Buhay ang Panginoong Dios.