19. Ang hirap ko, ang hirap ko! Ako'y nagdaramdam sa aking puso; ang dibdib ko ay kakabakaba, hindi ako matahimik; sapagka't iyong narinig, Oh kaluluwa ko, ang tunog ng pakakak, ang hudyat ng pakikipagdigma.
20. Kagibaan at kagibaan ang inihihiyaw; sapagka't ang buong lupain ay nasira: biglang nangasira ang aking mga tolda, at ang aking mga tabing sa isang sandali.
21. Hanggang kailan makikita ko ang watawat, at maririnig ang tunog ng pakakak?
22. Sapagka't ang bayan ko ay hangal, hindi nila ako nakikilala; sila'y mga mangmang na anak, at sila'y walang unawa; sila'y pantas sa paggawa ng masama, nguni't sa paggawa ng mabuti ay wala silang kaalaman.
23. Aking minasdan ang lupa, at, narito, sira at walang laman; at ang langit ay walang liwanag.
24. Aking minasdan ang mga bundok, at narito, nagsisiyanig, at ang lahat na burol ay nagsisiindayon.
25. Ako'y nagmasid, at, narito, walang tao, at lahat ng mga ibon sa himpapawid ay nangakatakas.
26. Ako'y nagmasid, at, narito, ang mainam na parang ay ilang, at, lahat ng mga bayan niyaon ay nangasira sa harapan ng Panginoon, at sa harap ng kaniyang mabangis na galit.
27. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Ang buong lupain ay magiging sira; gayon ma'y hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan.
28. Dahil dito ay tatangis ang lupa, at ang langit sa itaas ay magiging maitim: sapagka't aking sinalita, aking pinanukala, at hindi ako nagsisi, o akin mang tatalikuran.