9. Panginoon ko na hari, ang mga lalaking ito ay nagsigawa ng kasamaan sa lahat ng kanilang ginawa kay Jeremias na propeta, na kanilang isinilid sa hukay; at siya'y mamamatay sa dakong kaniyang kinaroonan dahil sa kagutom; sapagka't wala nang tinapay sa bayan.
10. Nang magkagayo'y nagutos ang hari kay Ebed-melec na taga Etiopia, na nagsasabi, Magsama ka mula rito ng tatlong pung lalake, at isampa mo si Jeremias na propeta mula sa hukay, bago siya mamatay.
11. Sa gayo'y nagsama ng mga lalake si Ebed-melec, at pumasok sa bahay ng hari, sa ilalim ng silid ng kayamanan, at kumuha mula roon ng mga basahan, at mga lumang damit, at kanilang ibinaba sa pamamagitan ng mga lubid sa hukay kay Jeremias.
12. At sinabi ni Ebed-melec na taga Etiopia kay Jeremias, Ilagay mo ngayon ang mga basahang ito at mga lumang damit sa iyong mga kilikili sa ibabaw ng mga lubid. At ginawang gayon ni Jeremias.
13. Sa gayo'y isinampa nila si Jeremias ng mga lubid, at itinaas siya mula sa hukay: at si Jeremias ay naiwan sa looban ng bantay.
14. Nang magkagayo'y nagsugo si Sedechias na hari, at ipinagsama si Jeremias na propeta sa ikatlong pasukan na nasa bahay ng Panginoon: at sinabi ng hari kay Jeremias, Magtatanong ako sa iyo ng isang bagay; huwag kang maglihim ng anoman sa akin.
15. Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias kay Sedechias, Kung saysayin ko sa iyo, hindi mo baga tunay na ipapapatay ako? at kung bigyan kita ng payo, hindi ka makikinig sa akin.
16. Sa gayo'y si Sedechias ay sumumpang lihim kay Jeremias, na nagsasabi, Buhay ang Panginoon na lumalang ng ating kaluluwa, hindi kita ipapapatay, o ibibigay man kita sa kamay ng mga lalaking ito na nagsisiusig ng iyong buhay.