Jeremias 36:20-32 Ang Biblia (TLAB)

20. At kanilang pinasok ang hari sa looban; nguni't kanilang inilagay ang balumbon sa silid ni Elisama na kalihim; at kanilang isinaysay ang lahat na salita sa mga pakinig ng hari.

21. Sa gayo'y sinugo ng hari si Jehudi upang kunin ang balumbon; at kaniyang kinuha sa silid ni Elisama na kalihim. At binasa ni Jehudi sa mga pakinig ng hari, at sa mga pakinig ng lahat na prinsipe na nangakatayo sa tabi ng hari.

22. Ang hari nga ay nakaupo sa bahay na tagginaw sa ikasiyam na buwan: at may apoy sa apuyan na nagniningas sa harap niya.

23. At nangyari, ng mabasa ni Jehudi ang tatlo o apat na dahon, na pinutol ng hari ng lanseta, at inihagis sa apoy na nasa apuyan, hanggang sa masupok ang buong balumbon sa apoy na nasa apuyan.

24. At sila'y hindi nangatakot o hinapak man nila ang kanilang mga suot, maging ang hari, o ang sinoman sa kaniyang mga lingkod na nakarinig ng lahat ng salitang ito.

25. Bukod dito'y si Elnathan, at si Delaias, at si Gemarias ay namanhik sa hari na huwag niyang sunugin ang balumbon; nguni't hindi niya dininig sila.

26. At nagutos ang hari kay Jerameel na anak ng hari, at kay Seraias na anak ni Azriel, at kay Selemias na anak ni Abdeel, upang hulihin si Baruch na kalihim at si Jeremias na propeta: nguni't ikinubli ng Panginoon.

27. Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias pagkatapos na masunog ng hari ang balumbon, at ang mga salita na sinulat ni Baruch na mula sa bibig ni Jeremias, na nagsasabi:

28. Kumuha ka uli ng ibang balumbon, at sulatan mo ng lahat na dating salita na nasa unang balumbon na sinunog ni Joacim na hari sa Juda.

29. At tungkol kay Joacim na hari sa Juda ay iyong sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Iyong sinunog ang balumbon na ito, na iyong sinasabi, Bakit mo isinulat doon, na sinasabi, Tunay na ang hari sa Babilonia ay paririto at sisirain ang lupaing ito, at papaglilikatin dito ang tao at ang hayop?

30. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, tungkol kay Joacim na hari sa Juda, Siya'y mawawalan ng uupo sa luklukan ni David; at ang kaniyang bangkay sa araw ay mahahagis sa init, at sa gabi ay sa hamog.

31. At aking parurusahan siya at ang kaniyang binhi at ang kaniyang mga lingkod dahil sa kanilang kasamaan; at aking dadalhin sa kanila, at sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa mga tao ng Juda, ang buong kasamaan na aking sinalita laban sa kanila, nguni't hindi nila dininig.

32. Nang magkagayo'y kumuha si Jeremias ng ibang balumbon, at ibinigay kay Baruch na kalihim, na anak ni Nerias, na sumulat doon ng mula sa bibig ni Jeremias ng lahat ng mga salita ng aklat na sinunog sa apoy ni Joacim na hari sa Juda; at nagdagdag pa sa mga yaon ng maraming gayong salita.

Jeremias 36