Jeremias 36:13-29 Ang Biblia (TLAB)

13. Nang magkagayo'y ipinahayag ni Micheas sa kaniya ang lahat na salita na kaniyang narinig, nang basahin ni Baruch ang aklat sa mga pakinig ng bayan.

14. Kaya't sinugo ng lahat na prinsipe si Jehudi na anak ni Nethanias, na anak ni Selemias, na anak ni Chusi, kay Baruch, na nagsasabi, Tangnan mo sa iyong kamay ang balumbon na iyong binasa sa mga pakinig ng bayan, at parito ka. Sa gayo'y tinangnan ni Baruch na anak ni Nerias ang balumbon sa kaniyang kamay, at naparoon sa kanila.

15. At sinabi nila sa kaniya, Ikaw ay umupo ngayon, at basahin mo sa aming mga pakinig. Sa gayo'y binasa ni Baruch sa kanilang pakinig.

16. Nangyari nga, nang kanilang marinig ang lahat na salita, sila'y nagharapharapan sa takot, at nagsabi kay Baruch, Tunay na aming sasalitain sa hari ang lahat na salitang ito?

17. At kanilang tinanong si Baruch, na sinasabi, Iyong saysayin ngayon sa amin, Paanong isinulat mo ang lahat ng salitang ito sa kaniyang bibig?

18. Nang magkagayo'y sumagot si Baruch sa kanila, Kaniyang sinalita ang lahat na salitang ito sa akin ng kaniyang bibig, at aking isinulat ng tinta sa aklat.

19. Nang magkagayo'y sinabi ng mga prinsipe kay Baruch, Yumaon ka, magtago ka, ikaw at si Jeremias, at huwag maalaman ng tao ang inyong karoroonan.

20. At kanilang pinasok ang hari sa looban; nguni't kanilang inilagay ang balumbon sa silid ni Elisama na kalihim; at kanilang isinaysay ang lahat na salita sa mga pakinig ng hari.

21. Sa gayo'y sinugo ng hari si Jehudi upang kunin ang balumbon; at kaniyang kinuha sa silid ni Elisama na kalihim. At binasa ni Jehudi sa mga pakinig ng hari, at sa mga pakinig ng lahat na prinsipe na nangakatayo sa tabi ng hari.

22. Ang hari nga ay nakaupo sa bahay na tagginaw sa ikasiyam na buwan: at may apoy sa apuyan na nagniningas sa harap niya.

23. At nangyari, ng mabasa ni Jehudi ang tatlo o apat na dahon, na pinutol ng hari ng lanseta, at inihagis sa apoy na nasa apuyan, hanggang sa masupok ang buong balumbon sa apoy na nasa apuyan.

24. At sila'y hindi nangatakot o hinapak man nila ang kanilang mga suot, maging ang hari, o ang sinoman sa kaniyang mga lingkod na nakarinig ng lahat ng salitang ito.

25. Bukod dito'y si Elnathan, at si Delaias, at si Gemarias ay namanhik sa hari na huwag niyang sunugin ang balumbon; nguni't hindi niya dininig sila.

26. At nagutos ang hari kay Jerameel na anak ng hari, at kay Seraias na anak ni Azriel, at kay Selemias na anak ni Abdeel, upang hulihin si Baruch na kalihim at si Jeremias na propeta: nguni't ikinubli ng Panginoon.

27. Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias pagkatapos na masunog ng hari ang balumbon, at ang mga salita na sinulat ni Baruch na mula sa bibig ni Jeremias, na nagsasabi:

28. Kumuha ka uli ng ibang balumbon, at sulatan mo ng lahat na dating salita na nasa unang balumbon na sinunog ni Joacim na hari sa Juda.

29. At tungkol kay Joacim na hari sa Juda ay iyong sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Iyong sinunog ang balumbon na ito, na iyong sinasabi, Bakit mo isinulat doon, na sinasabi, Tunay na ang hari sa Babilonia ay paririto at sisirain ang lupaing ito, at papaglilikatin dito ang tao at ang hayop?

Jeremias 36