1. At nangyari nang ikaapat na taon ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda, na ang salitang ito ay dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, na nagsasabi,
2. Kumuha ka ng isang balumbon, at iyong isulat doon ang lahat na salita na aking sinalita sa iyo laban sa Israel, at laban sa Juda, at laban sa lahat ng mga bansa, mula nang araw na magsalita ako sa iyo, mula nang kaarawan ni Josias, hanggang sa araw na ito.
3. Marahil ay maririnig ng sangbahayan ni Juda ang lahat na kasamaan na aking pinanukalang gawin sa kanila; upang humiwalay bawa't isa sa kanila sa kaniyang masamang lakad; upang aking maipatawad ang kanilang kasamaan at ang kanilang kasalanan.
4. Nang magkagayo'y tinawag ni Jeremias si Baruch na anak ni Nerias; at sinulat ni Baruch ang lahat ng salita ng Panginoon na mula sa bibig ni Jeremias, na sinalita niya sa kaniya, sa balumbon.
5. At si Jeremias ay nagutos kay Baruch, na nagsasabi, Ako'y nakukulong; hindi ako makapasok sa bahay ng Panginoon:
6. Kaya't pumaroon ka, at basahin mo sa balumbon, ang iyong isinulat na mula sa aking bibig, ang mga salita ng Panginoon sa mga pakinig ng bayan sa bahay ng Panginoon sa kaarawan ng pagaayuno; at iyo ring babasahin sa mga pakinig ng buong Juda na lumabas sa kanilang mga bayan.
7. Marahil ay maghaharap sila ng kanilang daing sa harap ng Panginoon, at hihiwalay bawa't isa sa kaniyang masamang lakad; sapagka't malaki ang galit at ang kapusukan na sinalita ng Panginoon laban sa bayang ito.
8. At ginawa ni Baruch na anak ni Nerias ang ayon sa lahat na iniutos sa kaniya ni Jeremias na propeta, na binasa sa aklat ang mga salita ng Panginoon sa bahay ng Panginoon.
9. Nangyari nga nang ikalimang taon ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda nang ikasiyam na buwan, na ang buong bayan sa Jerusalem, at ang buong bayan na nanggaling sa mga bayan ng Juda sa Jerusalem, ay nagtanyag ng ayuno sa harap ng Panginoon.
10. Nang magkagayo'y binasa ni Baruch sa balumbon ang mga salita ni Jeremias sa bahay ng Panginoon, sa silid ni Gemarias na anak ni Saphan na kalihim, sa mataas na looban sa pasukan ng bagong pintuang-daan ng bahay ng Panginoon, sa mga pakinig ng buong bayan.
11. At nang marinig ni Micheas na anak ni Gemarias, na anak ni Saphan, ang lahat na salita ng Panginoon mula sa aklat,
12. Siya'y bumaba sa bahay ng hari, sa loob ng silid ng kalihim: at, narito, lahat ng prinsipe ay nangakaupo roon, si Elisama na kalihim, at si Delaias na anak ni Semeias, at si Elnathan na anak ni Achbor, at si Gemarias na anak ni Saphan, at si Sedechias na anak ni Ananias, at ang lahat na prinsipe.
13. Nang magkagayo'y ipinahayag ni Micheas sa kaniya ang lahat na salita na kaniyang narinig, nang basahin ni Baruch ang aklat sa mga pakinig ng bayan.
14. Kaya't sinugo ng lahat na prinsipe si Jehudi na anak ni Nethanias, na anak ni Selemias, na anak ni Chusi, kay Baruch, na nagsasabi, Tangnan mo sa iyong kamay ang balumbon na iyong binasa sa mga pakinig ng bayan, at parito ka. Sa gayo'y tinangnan ni Baruch na anak ni Nerias ang balumbon sa kaniyang kamay, at naparoon sa kanila.
15. At sinabi nila sa kaniya, Ikaw ay umupo ngayon, at basahin mo sa aming mga pakinig. Sa gayo'y binasa ni Baruch sa kanilang pakinig.
16. Nangyari nga, nang kanilang marinig ang lahat na salita, sila'y nagharapharapan sa takot, at nagsabi kay Baruch, Tunay na aming sasalitain sa hari ang lahat na salitang ito?