Jeremias 32:7-19 Ang Biblia (TLAB)

7. Narito, si Hanamel na anak ni Sallum na iyong amain ay paroroon sa iyo, na magsasabi, Bilhin mo ang parang ko na nasa Anathoth: sapagka't ang matuwid ng pagtubos ay ukol sa iyo upang bilhin.

8. Sa gayo'y si Hanamel na anak ng aking amain ay naparoon sa akin sa looban ng bantayan ayon sa salita ng Panginoon, at sinabi sa akin, Bilhin mo ang aking parang, isinasamo ko sa iyo, na nasa Anathoth, na nasa lupain ng Benjamin; sapagka't ang matuwid ng pagmamana ay ukol sa iyo, at ang pagtubos ay ukol sa iyo; bilhin mo para sa iyong sarili. Nang magkagayo'y nakilala ko na ito'y salita ng Panginoon.

9. At binili ko ang parang na nasa Anathoth kay Hanamel na anak ng aking amain, at tinimbang ko sa kaniya ang salapi, na labing pitong siklong pilak.

10. At ako'y naglagda ng pangalan sa katibayan, at aking tinatakan, at tumawag ako ng mga saksi, at tinimbang ko sa kaniya ang salapi sa timbangan.

11. Sa gayo'y kinuha ko ang katibayan ng pagkabili, ang natatatakan, yaong ayon sa kautusan at kaugalian, at ang bukas:

12. At ibinigay ko ang katibayan ng pagkabili kay Baruch na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, sa harapan ni Hanamel na anak ng aking amain, at sa harap ng mga saksi na naglagda ng pangalan sa katibayan ng pagkabili, sa harap ng lahat na Judio na nakaupo sa looban ng bantayan.

13. At ibinilin ko kay Baruch sa harap nila, na aking sinasabi,

14. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Iyong kunin ang mga katibayang ito, ang katibayang ito ng pagkabili, ang natatatakan, at gayon din itong katibayang bukas, at iyong isilid sa sisidlang lupa; upang tumagal ng maraming araw.

15. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Mga bahay, at mga parang, at mga ubasan ay mangabibili pa uli sa lupaing ito.

16. Pagkatapos nga na aking maibigay ang katibayan ng pagkabili kay Baruch na anak ni Nerias, dumalangin ako sa Panginoon, na aking sinabi,

17. Ah Panginoong Dios! narito, iyong ginawa ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong malaking kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong unat na kamay; walang bagay na totoong napakahirap sa iyo:

18. Na ikaw ay nagpapakita ng kagandahang-loob sa mga libolibo, at iyong ginaganti ang kasamaan ng mga magulang sa sinapupunan ng kanilang mga anak pagkamatay nila; ang dakila, na makapangyarihang Dios, ang Panginoon ng mga hukbo ay kaniyang pangalan.

19. Dakila sa payo at makapangyarihan sa gawa; na ang mga mata ay dilat sa lahat ng mga lakad ng mga anak ng tao, upang bigyan ang bawa't isa ng ayon sa kaniyang mga lakad, at ayon sa bunga ng kaniyang mga gawa,

Jeremias 32