Jeremias 32:24-40 Ang Biblia (TLAB)

24. Narito, ang mga bunton, nagsisidating sa bayan upang sakupin; at ang bayan ay nabigay sa kamay ng mga taga Caldea na nagsisilaban doon, dahil sa tabak, at sa kagutom, at sa salot: at kung ano ang iyong sinalita ay nangyayari; at, narito, iyong nakikita.

25. At iyong sinabi sa akin, Oh Panginoong Dios, iyong bilhin ng salapi ang parang, at ikaw ay tumawag ng mga saksi; yamang ang bayan ay ibinibigay sa kamay ng mga Caldeo.

26. Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na nagsasabi,

27. Narito, ako ang Panginoon, ang Dios ng lahat na tao; may anomang bagay baga na totoong mahirap sa akin?

28. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibibigay ang bayang ito sa kamay ng mga Caldeo, at sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at kaniyang sasakupin,

29. At ang mga Caldeo, na nagsisilaban sa bayang ito, magsisiparito at susulsulan ang bayang ito, at susunugin, sangpu ng mga bahay na ang mga bubungan ay kanilang pinaghandugan ng kamangyan kay Baal, at pinagbuhusan ng mga inuming handog sa mga ibang dios, upang mungkahiin ako sa galit.

30. Sapagka't ang ginawa lamang ng mga anak ni Israel, at ng mga anak ni Juda ay ang masama sa aking paningin mula sa kanilang kabataan, sapagka't minungkahi lamang ako ng mga anak ni Israel sa galit ng gawa ng kanilang mga kamay, sabi ng Panginoon.

31. Sapagka't ang bayang ito ay naging kamungkahian sa aking galit at sa aking pagaalab ng loob mula sa araw na kanilang itinayo hanggang sa araw na ito; upang aking mailayo sa aking mukha.

32. Dahil sa lahat ng kasamaan ng mga anak ni Israel at ng mga anak ni Juda, na kanilang ginawa upang mungkahiin ako sa galit, sila, ng kanilang mga hari, ng kanilang mga prinsipe, ng kanilang mga saserdote, at ng kanilang mga propeta, at ng mga tao ng Juda, at ng mga nananahan sa Jerusalem.

33. At kanilang tinalikdan ako, at hindi ako hinarap: bagaman aking tinuruan sila, na bumabangon ako ng maaga at tinuturuan ko sila, gayon ma'y hindi sila nangakinig na magsitanggap ng turo.

34. Kundi kanilang inilagay ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinawag sa aking pangalan, upang lapastanganin.

35. At kanilang itinayo ang mga mataas na dako ni Baal, na nasa libis ng anak ni Hinnom, upang paraanin sa apoy ang kanilang mga anak na lalake at babae kay Moloch; na hindi ko iniutos sa kanila o nasok man sa aking pagiisip, na kanilang gawin ang kasuklamsuklam na ito; na pinapagkasala ang Juda.

36. At ngayon ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, tungkol sa bayang ito, na inyong sinasabi, Nabigay sa kamay ng hari sa Babilonia sa pamamagitan ng tabak, at ng kagutom, at ng salot:

37. Narito, aking pipisanin sila mula sa lahat ng lupain, na aking pinagtabuyan sa kanila sa aking galit, at sa aking kapusukan at sa malaking poot, at dadalhin ko sila uli sa dakong ito, at akin silang patatahaning tiwasay.

38. At sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Dios:

39. At bibigyan ko sila ng isang puso at ng isang daan, upang sila'y matakot sa akin magpakailan man; sa ikabubuti nila, at ng kanilang mga anak pagkamatay nila:

40. At ako'y makikipagtipan ng walang hanggan sa kanila, na hindi ako hihiwalay sa kanila, upang gawan ko sila ng mabuti: at sisidlan ko sa puso ng takot sa akin, upang huwag silang magsihiwalay sa akin.

Jeremias 32