Jeremias 31:23-34 Ang Biblia (TLAB)

23. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Kanilang gagamitin uli ang pananalitang ito sa lupain ng Juda at sa mga bayan niyaon, pagka aking dadalhin uli mula sa kanilang pagkabihag: Pagpalain ka ng Panginoon. Oh tahanan ng kaganapan, Oh bundok ng kabanalan.

24. At ang Juda at ang lahat na bayan niya ay tatahan doon na magkakasama; ang mga mangbubukid at ang mga lumilibot na may mga kawan.

25. Sapagka't aking bibigyang kasiyahan ang pagod na tao, at lahat na mapanglaw na tao ay aking pinasasaya.

26. Dito'y nagising ako, at ako'y lumingap; at ang aking pagkakatulog ay masarap.

27. Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking hahasikan ang sangbahayan ni Israel at ang sangbahayan ni Juda ng binhi ng tao at ng binhi ng hayop.

28. At mangyayari, na kung paanong binantayan ko sila upang alisin, at upang ibuwal, at upang madaig at upang ipahamak, at upang pagdalamhatiin, gayon babantayan ko sila upang itayo at upang itatag sabi ng Panginoon.

29. Sa mga araw na yaon ay hindi na sila mangagsasabi. Ang mga magulang ay nagsikain ng mga maasim na ubas, at ang mga ngipin ng mga bata ay nagsisipangilo.

30. Nguni't bawa't isa ay mamamatay ng dahil sa kaniyang sariling kasamaan: lahat na nagsisikain ng mga maasim na ubas ay magsisipangilo ang mga ngipin.

31. Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y makikipagtipan ng panibago sa sangbahayan ni Israel, at sa sangbahayan ni Juda:

32. Hindi ayon sa tipan na ipinakipagtipan ko sa kanilang mga magulang sa araw na aking kinuha sila sa pamamagitan ng kamay upang ilabas sila sa lupain ng Egipto; na ang aking tipan ay kanilang sinira, bagaman ako'y asawa nila, sabi ng Panginoon.

33. Kundi ito ang tipan na aking ipakikipagtipan sa sangbahayan ni Israel pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon, Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso; at ako'y magiging kanilang Dios, at sila'y magiging aking bayan;

34. At hindi na magtuturo bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, at bawa't tao sa kaniyang kapatid, na magsasabi, Iyong kilalanin ang Panginoon; sapagka't makikilala nilang lahat ako, mula sa kaliitliitan sa kanila hanggang sa kadakidakilaan sa kanila, sabi ng Panginoon: sapagka't aking ipatatawad ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin.

Jeremias 31