12. At sila'y magsisiparito at magsisiawit sa kaitaasan ng Sion, at magsisihugos na magkakasama sa kabutihan ng Panginoon, sa trigo, at sa alak, at sa langis, at sa guya ng kawan at ng bakahan: at ang kanilang kaluluwa ay magiging parang dinilig na halamanan; at hindi na sila mangamamanglaw pa sa anoman.
13. Kung magkagayo'y magagalak ang dalaga sa sayawan, at ang mga binata, at ang matanda na magkakasama: sapagka't aking gagawing kagalakan ang kanilang pagluluksa, at aking aaliwin sila at aking pagagalakin sila sa kanilang kapanglawan.
14. At aking sisiyahin ang loob ng mga saserdote sa kaginhawahan, at ang aking bayan ay masisiyahan sa aking kabutihan, sabi ng Panginoon.
15. Ganito ang sabi ng Panginoon, Isang tinig ay narinig sa Rama, panaghoy, at kalagimlagim na iyak, iniiyakan ni Raquel ang kaniyang mga anak; siya'y tumatangging maaliw dahil sa kaniyang mga anak, sapagka't sila'y wala na.
16. Ganito ang sabi ng Panginoon, Iyong pigilin ang iyong tinig sa pagiyak, at ang iyong mga mata sa mga luha: sapagka't gagantihin ang iyong mga gawa, sabi ng Panginoon; at sila'y magsisibalik na mula sa lupain ng kaaway.
17. At may pagasa sa iyong huling wakas, sabi ng Panginoon; at ang iyong mga anak ay magsisiparoon uli sa kanilang sariling hangganan.
18. Tunay na aking narinig ang Ephraim na nananaghoy sa kaniyang sarili ng ganito, Inyong pinarusahan ako, at ako'y naparusahan na parang guya na hindi hirati sa pamatok: papanumbalikin mo ako, at ako'y manunumbalik sa iyo; sapagka't ikaw ang Panginoon kong Dios.
19. Tunay na pagkapanumbalik ko sa iyo ay nagsisi ako; at pagkatapos na ako'y maturuan ay nagsugat ako ng hita: ako'y napahiya, oo, lito, sapagka't aking dinala ang kakutyaan ng aking kabataan.
20. Ang Ephraim baga'y aking minamahal na anak? siya baga'y iniibig na anak? sapagka't kung gaano kadalas nagsasalita ako laban sa kaniya, ay gayon ko inaalaala siya ng di kawasa: kaya't nananabik ang aking puso sa kaniya; ako'y tunay na maaawa sa kaniya, sabi ng Panginoon.
21. Maglagay ka ng mga patotoo, gumawa ka ng mga haliging tanda: ilagak mo ang iyong puso sa dakong lansangan, sa daan na iyong pinaroonan: ikaw ay magbalik uli, Oh dalaga ng Israel, ikaw ay bumalik uli rito sa mga bayang ito.
22. Hanggang kailan magpaparoo't parito ka, Oh ikaw na tumatalikod na anak na babae? sapagka't ang Panginoon ay lumikha ng bagong bagay sa lupa, Ang babae ay siyang mananaig sa lalake.
23. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Kanilang gagamitin uli ang pananalitang ito sa lupain ng Juda at sa mga bayan niyaon, pagka aking dadalhin uli mula sa kanilang pagkabihag: Pagpalain ka ng Panginoon. Oh tahanan ng kaganapan, Oh bundok ng kabanalan.