Jeremias 31:11-19 Ang Biblia (TLAB)

11. Sapagka't tinubos ng Panginoon ang Jacob, at tinubos niya siya sa kamay ng lalong malakas kay sa kaniya.

12. At sila'y magsisiparito at magsisiawit sa kaitaasan ng Sion, at magsisihugos na magkakasama sa kabutihan ng Panginoon, sa trigo, at sa alak, at sa langis, at sa guya ng kawan at ng bakahan: at ang kanilang kaluluwa ay magiging parang dinilig na halamanan; at hindi na sila mangamamanglaw pa sa anoman.

13. Kung magkagayo'y magagalak ang dalaga sa sayawan, at ang mga binata, at ang matanda na magkakasama: sapagka't aking gagawing kagalakan ang kanilang pagluluksa, at aking aaliwin sila at aking pagagalakin sila sa kanilang kapanglawan.

14. At aking sisiyahin ang loob ng mga saserdote sa kaginhawahan, at ang aking bayan ay masisiyahan sa aking kabutihan, sabi ng Panginoon.

15. Ganito ang sabi ng Panginoon, Isang tinig ay narinig sa Rama, panaghoy, at kalagimlagim na iyak, iniiyakan ni Raquel ang kaniyang mga anak; siya'y tumatangging maaliw dahil sa kaniyang mga anak, sapagka't sila'y wala na.

16. Ganito ang sabi ng Panginoon, Iyong pigilin ang iyong tinig sa pagiyak, at ang iyong mga mata sa mga luha: sapagka't gagantihin ang iyong mga gawa, sabi ng Panginoon; at sila'y magsisibalik na mula sa lupain ng kaaway.

17. At may pagasa sa iyong huling wakas, sabi ng Panginoon; at ang iyong mga anak ay magsisiparoon uli sa kanilang sariling hangganan.

18. Tunay na aking narinig ang Ephraim na nananaghoy sa kaniyang sarili ng ganito, Inyong pinarusahan ako, at ako'y naparusahan na parang guya na hindi hirati sa pamatok: papanumbalikin mo ako, at ako'y manunumbalik sa iyo; sapagka't ikaw ang Panginoon kong Dios.

19. Tunay na pagkapanumbalik ko sa iyo ay nagsisi ako; at pagkatapos na ako'y maturuan ay nagsugat ako ng hita: ako'y napahiya, oo, lito, sapagka't aking dinala ang kakutyaan ng aking kabataan.

Jeremias 31