Jeremias 30:7-17 Ang Biblia (TLAB)

7. Ay! sapagka't ang araw na yaon ay dakila, na anopa't walang gaya niyaon: siya ngang panahon ng kabagabagan ng Jacob; nguni't siya'y maliligtas doon.

8. At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo na aking aalisin ang kaniyang pamatok sa iyo, at aking papatirin ang iyong mga tali at hindi na siya maglilingkod pa sa mga taga ibang lupa:

9. Kundi kanilang paglilingkuran ang Panginoong kanilang Dios, at si David na kanilang hari, na aking ibabangon sa kanila.

10. Kaya't huwag kang masindak, Oh Jacob na aking lingkod, sabi ng Panginoon; huwag ka mang manglupaypay, Oh Israel: sapagka't narito, ililigtas kita mula sa malayo, at ang iyong binhi mula sa lupain ng kanilang pagkabihag; at ang Jacob ay babalik, at magiging tahimik at tiwasay, at walang tatakot sa kaniya.

11. Sapagka't ako'y sumasaiyo sabi ng Panginoon upang iligtas kita: sapagka't gagawa ako ng lubos na kawakasan sa lahat na bansa na aking pinapangalatan sa iyo, nguni't hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan sa iyo; kundi sasawayin kita ng kahatulan, at walang pagsalang hindi kita iiwan na walang parusa.

12. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Ang iyong sakit ay walang kagamutan, at ang iyong sugat ay mabigat.

13. Walang makipaglaban ng iyong usapin upang ikaw ay mapagaling: ikaw ay walang mga panggamot na nakagagaling.

14. Nilimot ka ng lahat na mangingibig sa iyo; hindi ka nila hinahanap: sapagka't sinugatan kita ng sugat ng kaaway, ng parusa ng mabagsik; dahil sa kalakhan ng iyong kasamaan, sapagka't ang iyong mga kasalanan ay dumami.

15. Bakit ka humihiyaw ng dahil sa iyong sakit? ang iyong hirap ay walang kagamutan: dahil sa kalakhan ng iyong kasamaan, sapagka't ang iyong mga kasalanan ay dumami, aking ginawa ang mga bagay na ito sa iyo.

16. Kaya't silang lahat na nagsisilamon sa iyo ay mangalalamon; at lahat ng iyong kaaway, bawa't isa sa kanila'y magsisipasok sa pagkabihag; at silang nagsisisamsam sa iyo ay magiging samsam, at lahat ng nagsisihuli sa iyo ay aking ibibigay na huli.

17. Sapagka't pagiginhawahin kita, at pagagalingin kita sa iyong mga sugat, sabi ng Panginoon; kanilang tinawag ka na tapon, na sinasabi, Ito ang Sion, na hindi hinahanap ng sinoman.

Jeremias 30