Jeremias 30:18-24 Ang Biblia (TLAB)

18. Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, aking ibabalik uli mula sa pagkabihag ang mga tolda ng Jacob, at pakukundanganan ko ang kaniyang mga tahanang dako; at ang bayan ay matatayo sa kaniyang sariling bunton, at ang bahay-hari ay tatahanan ng ayon sa ayos niyaon.

19. At mula sa kanila magmumula ang pagpapasalamat, at ang tinig ng nangagsasaya: at aking pararamihin sila, at sila'y hindi magiging kaunti; akin ding luluwalhatiin sila, at sila'y hindi magiging maliit.

20. Ang kanilang mga anak naman ay magiging gaya nang una, at ang kanilang kapisanan ay matatatag sa harap ko, at aking parurusahan yaong lahat na nagsisipighati sa kanila.

21. At ang kanilang prinsipe ay magiging isa sa kanila, at ang kanilang puno ay magmumula sa gitna nila: at aking palalapitin siya, at siya'y lalapit sa akin: sapagka't sino yaong nangahas upang lumapit sa akin? sabi ng Panginoon.

22. At kayo'y magiging aking bayan, at ako'y magiging inyong Dios.

23. Narito, ang unos ng Panginoon, ang kaniyang kapusukan, ay bumulalas na parang buhawi: hahampas sa ulo ng masama.

24. Ang mabangis na galit ng Panginoon ay hindi mapaparam hanggang sa maisagawa, at hanggang sa kaniyang maisagawa ang haka ng kaniyang puso; sa mga huling araw ay iyong mauunawa.

Jeremias 30