Jeremias 30:13-23 Ang Biblia (TLAB)

13. Walang makipaglaban ng iyong usapin upang ikaw ay mapagaling: ikaw ay walang mga panggamot na nakagagaling.

14. Nilimot ka ng lahat na mangingibig sa iyo; hindi ka nila hinahanap: sapagka't sinugatan kita ng sugat ng kaaway, ng parusa ng mabagsik; dahil sa kalakhan ng iyong kasamaan, sapagka't ang iyong mga kasalanan ay dumami.

15. Bakit ka humihiyaw ng dahil sa iyong sakit? ang iyong hirap ay walang kagamutan: dahil sa kalakhan ng iyong kasamaan, sapagka't ang iyong mga kasalanan ay dumami, aking ginawa ang mga bagay na ito sa iyo.

16. Kaya't silang lahat na nagsisilamon sa iyo ay mangalalamon; at lahat ng iyong kaaway, bawa't isa sa kanila'y magsisipasok sa pagkabihag; at silang nagsisisamsam sa iyo ay magiging samsam, at lahat ng nagsisihuli sa iyo ay aking ibibigay na huli.

17. Sapagka't pagiginhawahin kita, at pagagalingin kita sa iyong mga sugat, sabi ng Panginoon; kanilang tinawag ka na tapon, na sinasabi, Ito ang Sion, na hindi hinahanap ng sinoman.

18. Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, aking ibabalik uli mula sa pagkabihag ang mga tolda ng Jacob, at pakukundanganan ko ang kaniyang mga tahanang dako; at ang bayan ay matatayo sa kaniyang sariling bunton, at ang bahay-hari ay tatahanan ng ayon sa ayos niyaon.

19. At mula sa kanila magmumula ang pagpapasalamat, at ang tinig ng nangagsasaya: at aking pararamihin sila, at sila'y hindi magiging kaunti; akin ding luluwalhatiin sila, at sila'y hindi magiging maliit.

20. Ang kanilang mga anak naman ay magiging gaya nang una, at ang kanilang kapisanan ay matatatag sa harap ko, at aking parurusahan yaong lahat na nagsisipighati sa kanila.

21. At ang kanilang prinsipe ay magiging isa sa kanila, at ang kanilang puno ay magmumula sa gitna nila: at aking palalapitin siya, at siya'y lalapit sa akin: sapagka't sino yaong nangahas upang lumapit sa akin? sabi ng Panginoon.

22. At kayo'y magiging aking bayan, at ako'y magiging inyong Dios.

23. Narito, ang unos ng Panginoon, ang kaniyang kapusukan, ay bumulalas na parang buhawi: hahampas sa ulo ng masama.

Jeremias 30