9. Nguni't tungkol sa inyo, huwag ninyong dinggin ang inyong mga propeta, o ang inyong mga manghuhula man, o ang inyong mga panaginip man, o ang inyong mga mapamahiin man, o ang inyong mga manggagaway man, na nangagsasalita sa inyo, na nagsasabi, Kayo'y hindi mangaglilingkod sa hari sa Babilonia:
10. Sapagka't sila'y nanganghuhula ng kasinungalingan sa inyo, upang ilayo kayo sa inyong lupain; at aking palalayasin kayo at kayo'y mangalilipol.
11. Nguni't ang bansa na iyukod ang kaniyang ulo sa pamatok ng hari sa Babilonia, at maglilingkod sa kaniya, ang bansang yaon ay aking ilalabi sa kaniyang sariling lupain, sabi ng Panginoon; at kanilang bubukirin, at tatahanan.
12. At ako'y nagsalita kay Sedechias na hari sa Juda ayon sa lahat ng mga salitang ito na aking sinabi, Inyong iyukod ang inyong ulo sa pamatok ng hari sa Babilonia, at mangaglilingkod kayo sa kaniya at sa kaniyang bayan, at kayo'y mangabuhay:
13. Bakit kayo'y mangamamatay, ikaw, at ang iyong bayan, sa pamamagitan ng tabak, ng kagutom, at ng salot, gaya ng sinalita ng Panginoon tungkol sa bansa na hindi maglilingkod sa hari sa Babilonia?
14. At huwag kayong mangakinig ng salita ng mga propeta na nangagsasalita sa inyo, na nangagsasabi, Kayo'y hindi mangaglilingkod sa hari sa Babilonia: sapagka't sila'y nanganghuhula ng kabulaanan sa inyo.
15. Sapagka't hindi ko sinugo sila, sabi ng Panginoon; kundi sila'y nanganghuhulang may kasinungalingan sa aking pangalan; upang aking mapalayas kayo, at kayo'y mangalipol, kayo, at ang mga propeta na nanganghuhula sa inyo.
16. Ako naman ay nagsalita rin sa mga saserdote at sa lahat ng bayang ito, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kayong mangakinig ng mga salita ng inyong mga propeta, na nanganghuhula sa inyo, na nangagsasabi, Narito, ang mga sisidlan ng bahay ng Panginoon ay madaling madadala uli na mula sa Babilonia: sapagka't sila'y nanganghuhula ng kasinungalingan sa inyo.
17. Huwag ninyong dinggin sila, mangaglingkod kayo sa hari sa Babilonia, at kayo'y mangabuhay: bakit nga ang bayang ito ay magiging sira?
18. Nguni't kung sila'y mga propeta, at ang mga salita ng Panginoon ay sumasakanila, mamagitan sila ngayon sa Panginoon ng mga hukbo, upang ang mga sisidlan na naiwan sa bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari sa Juda, at ng Jerusalem, ay huwag mangaparoon sa Babilonia.
19. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga haligi, at tungkol sa dagatdagatan, at tungkol sa mga tungtungan, at tungkol sa nalabi sa mga sisidlan na nangaiwan sa bayang ito,
20. Na hindi kinuha ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, nang kaniyang dalhing bihag si Jechonias na anak ni Joacim na hari sa Juda, mula sa Jerusalem hanggang sa Babilonia, at ang lahat ng mahal na tao ng Juda at ng Jerusalem;
21. Oo, ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, tungkol sa mga sisidlan na naiwan sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari sa Juda, at ng Jerusalem:
22. Mangadadala sa Babilonia, at mangapaparoon, hanggang sa araw na dalawin ko sila, sabi ng Panginoon; kung magkagayo'y isasampa ko sila, at isasauli ko sa dakong ito.