Jeremias 25:13-28 Ang Biblia (TLAB)

13. At aking gaganapin sa lupaing yaon ang lahat na aking salita na aking sinalita laban doon, lahat ng nakasulat sa aklat na ito, na inihula ni Jeremias laban sa lahat na bansa.

14. Sapagka't maraming bansa at mga dakilang hari ay paglilingkuran nila, nila nga; at gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga kilos, at ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.

15. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa akin, Abutin mo itong saro ng alak ng kapusukan sa aking kamay, at painumin mo ang lahat na bansa na pinagsuguan ko sa iyo.

16. At sila'y magsisiinom, at magsisihapay na paroo't parito, na mangauulol, dahil sa tabak na aking pasasapitin sa kanila.

17. Nang magkagayo'y inabot ko ang saro sa kamay ng Panginoon, at pinainom ko ang lahat na bansang pinagsuguan ng Panginoon:

18. Sa makatuwid, ang Jerusalem, at ang mga bayan ng Juda, at ang mga hari niyaon, at ang mga prinsipe niyaon, upang gawin silang kagibaan, katigilan, kasutsutan, at sumpa; gaya sa araw na ito;

19. Si Faraong hari sa Egipto, at ang kaniyang mga lingkod, at ang kaniyang mga prinsipe, at ang buong bayan niya;

20. At ang lahat ng halohalong bayan, at ang lahat ng hari sa lupain ng Hus, at ang lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo, at ang Ascalon, at ang Gaza, at ang Ecron, at ang nalabi sa Asdod;

21. Ang Edom, at ang Moab, at ang mga anak ni Ammon;

22. At ang lahat ng hari sa Tiro, at ang lahat ng hari sa Sidon, at ang hari sa pulo na nasa dako roon ng dagat;

23. Ang Dedan, at ang Tema, at ang Buz, at ang lahat ng magsisiputol ng mga laylayan ng kanilang buhok;

24. At ang lahat ng hari sa Arabia, at ang lahat ng hari sa halohalong bayan na nagsisitahan sa ilang;

25. At ang lahat ng hari sa Zimri, at ang lahat ng hari sa Elam, at ang lahat ng hari ng mga Medo;

26. At ang lahat ng hari sa hilagaan, malayo't malapit na isa't isa; at ang lahat ng kaharian sa sanglibutan, na nangasa ibabaw ng lupa: at ang hari sa Sesach ay magsisiinom pagkatapos nila.

27. At iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Kayo'y magsiinom, at kayo'y mangagpakalasing, at kayo'y magsisuka, at mangabuwal, at huwag na kayong magsibangon, dahil sa tabak na aking pasasapitin sa inyo.

28. At mangyayari, kung tanggihan nilang abutin ang saro sa iyong kamay upang inuman, sasabihin mo nga sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kayo'y walang pagsalang magsisiinom.

Jeremias 25