Jeremias 23:8-19 Ang Biblia (TLAB)

8. Kundi, Buhay ang Panginoon, na nagahon at pumatnubay sa angkan ng binhi ng Israel mula sa hilagaang lupain, at mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila. At sila'y magsisitahan sa kanilang sariling lupain.

9. Tungkol sa mga propeta. Ang puso ko sa loob ko ay bagbag, lahat kong buto ay nanginginig; ako'y parang langong tao, at parang taong dinaig ng alak, dahil sa Panginoon, at dahil sa kaniyang mga banal na salita.

10. Sapagka't ang lupain ay puno ng mga mangangalunya; sapagka't dahil sa sumpa ay tumatangis ang lupain; ang mga pastulan sa ilang ay natuyo. At ang kanilang lakad ay masama, at ang kanilang lakas ay hindi matuwid.

11. Sapagka't ang propeta ay gayon din ang saserdote ay marumi; oo, sa aking bahay ay nasumpungan ko ang kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon.

12. Kaya't ang kanilang daan ay magiging sa kanila'y parang mga madulas na dako sa kadiliman: sila'y isusudlong, at mangabubuwal doon; sapagka't ako'y magpaparating ng kasamaan sa kanila, sa makatuwid baga'y sa taon ng pagdalaw sa kanila, sabi ng Panginoon.

13. At nakita ko ang kamangmangan sa mga propeta ng Samaria; sila'y nanganghuhula sa pamamagitan ni Baal, at inililigaw ang aking bayang Israel.

14. Sa mga propeta ng Jerusalem naman ay nakita ko ang kakilakilabot na bagay: sila'y nangangalunya, at nagsisilakad sa mga kasinungalingan; at kanilang pinalalakas ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan, na anopa't walang humihiwalay sa kaniyang kasamaan: silang lahat ay naging parang Sodoma sa akin, at ang mga nananahan dito ay parang Gomorra.

15. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga propeta, Narito, aking pakakanin sila ng ajenjo, at paiinumin ko sila ng inuming mapait, sapagka't mula sa mga propeta ng Jerusalem ay lumabas ang pagdudumi sa buong lupain.

16. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Huwag ninyong dinggin ang mga salita ng mga propeta na nanganghuhula sa inyo: sila'y nangagtuturo sa inyo ng walang kabuluhan; sila'y nangagsasalita ng pangitain ng kanilang sariling puso, at hindi mula sa bibig ng Panginoon.

17. Kanilang sinasabing lagi sa kanila na nagsisihamak sa akin, Sabi ng Panginoon, Kayo'y mangagkakaroon ng kapayapaan; at sa bawa't isa na lumalakad sa katigasan ng kaniyang sariling puso ay sinasabi nila, Walang kasamaang darating sa inyo.

18. Sapagka't sinong tumayo sa payo ng Panginoon, upang makamalas at makarinig ng kaniyang salita? sinong nakinig ng aking salita, at nakarinig?

19. Narito, ang bagyo ng Panginoon, ang kaniyang kapusukan, ay lumabas, oo, ipoipong bagyo: babagsak sa ulo ng masama.

Jeremias 23